Manila Bulletin

Araw ng Parangal 2022: Pagpupugay sa mga Manunulat

Ang paggagawad ng parangal na ito ay sumisimbolo ng pagpapahalaga ng organisasyon sa mga dakilang manunulat na malaki ang naiambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Pilipinas.

Ni Maryjoy Solibaga

TUWING sasapit ang buwan ng Abril, pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang pagsasagawa ng mga patimpalak at pagbibigay parangal upang bigyang kulay ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan. Isa sa mga pagbibigay parangal na ito ay ang Gawad Dangal ng Panitikan na taon-taong isinasagawa upang bigyang-pugay ang mga katangi-tanging manunulat na nakapag-ambag ng mga malikhaing akda sa larangan ng panitikan.

Binibigyang depenisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Gawad Dangal ng Panitikan bilang ang ‘mataas na pagkilala sa naiambag sa panitikang Pilipino o lifetime achievement award’ kung saan ‘binibigyang-pagpupugay nito ang natatanging manunulat na nagpakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang wikang panrehiyon o panlalawigan’. Ang paggagawad ng parangal na ito ay sumisimbolo ng pagpapahalaga ng organisasyon sa mga dakilang manunulat na malaki ang naiambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Pilipinas.

Noong Abril 27 ay isinagawa ang ‘Araw ng Parangal’ upang parangalan ang mga de-kalibreng manunulat ng taong 2022 na ginanap sa Diliman, Lungsod Quezon. Ang tema ngayong taon ay “Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan”. At isa nga sa naparangalan ng Gawad Dangal ng Panitikan sa kategoryang indibidwal ay ang batikan at pangunahing manunulat ng Liwayway na si Efren R. Abueg na kalahating siglo nang humuhubog sa pagpapayaman ng panitikan. Siya ay isang professor, editor at manunulat na kilala sa kanyang mga malikhaing akda

katulad ng Dilim sa Umaga ( Liwayway, 1968), isa rin siya mga manunulat ng librong Mga Agos sa Disyerto (1964), Bugso (1992), at marami pang iba. Siya ay nagbigay ng malaking ambag sa pagpapayaman ng panitikan sa pamamagitan ng mga namumukod tangi niyang obra sa maikling kuwento at nobela. Siya rin ay kilala dahil sa kanyang aktibong pakikilahok sa mga kilusan hinggil sa pagtuturo ng wika at panitikan. Magpahanggang ngayon ay patuloy siyang lumilikha ng mga akdang nagbibigay buhay sa larangan ng pagsulat at inspirasyon sa mga mambabasa at bagong henerasyon ng mga manunulat.

Ilan pa sa mga mahuhusay na manunulat na nakatanggap din ng Gawad Dangal ng Panitikan sa Araw ng Parangal 2022 sa kategoryang indibiduwal ay sina Paul A. Dumol (mandudula), Maria Josephine C. Barios-Leblanc (mananaliksik), Tony Perez (kuwentista at mandudula), Rommel B. Rodriguez (manunulat), at si Rose Torres-Yu (mananaliksik at manunulat).

Sa araw na ito rin ginanap ang paggawad ng parangal sa iba pang patimpalak ng KWF tulad ng Talaang Ginto: Makata ng Taon 2022, Tumula Tayo 2022: Pagsulat ng Katutubong Tula, at Dula Tayo 2022: Pagsulat ng Dramatikong Monologo.

LATHALAIN

tl-ph

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

2022-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282316798684984

Manila Bulletin Publishing Corp