Manila Bulletin

Mabuhay ang Kababaihan!

Johannes L. Chua

NAAALALA natin ang kontribusyon ng mga kababaihan ngayong Marso. At bakit ba ngayong buwan lang? Sa palagay ko ay araw-araw dapat ang pagkilala sa ‘di matatawaran na papel ng mga kababaihan sa ating buhay — sila ang mga lola, nanay, ina, ate, auntie, kumare, tita, atbp. Kung wala sila, sino o ano na tayo ngayon?

Sa aking buhay, malaki ang impluwensya ng mga kababaihan lalo na ng aking ina. Kakaiba lalo ang ispirasyon na iniwan sa akin ng aking “guama” (ang nanay ng aking nanay). Kahit na nasa isang Chinese-Filipino na pamilya, nasaksihan ko ang kanyang tibay at tindig. Ang babae noon ay para sa gawaing bahay lamang, subalit ang aking lola ay mayroong sariling negosyo — isang furniture shop sa may Paco. Ang kita ng kanyang negosyo ay di niya kailangang iremit sa aking lolo. Puwede niyang puntahan ang mga lugar na gusto niya, kahit pa dumako siya sa ibang bansa. Walang makapagpipigil sa kanya. Naalala ko pa noong kumita ang kanyang negosyo, bumili siya ng singsing na may malaking diyamante. Ang kanyang gustong ipahayag ay kaya niyang sabihin — kahit kanino man, kahit ano pa ang panahon, kahit saan mang lugar. At kaya ka niyang ipagtanggol kung ikaw ay nasa tama, at mahalin ng walang hanggan na walang inaasahang kapalit.

Sa mundo ng pagsulat, marami akong naging inspirasyon na kababaihan. Sila ay mga guro, mga kasama sa sining, mga kaibigan. Nandiyan na ang aking patnugot sa Manila Bulletin, ang executive editor na si Pinky Colmenares na siyang humasa sa akin sa peryodismo. Sa larangan ng malikhaing pagsulat, ‘di ko makalimutan ang mga guro sa paaralan at writers’ workshop — Marjorie Evasco, Teresita Erestain, Bevs Asenjo, Alice Sun Cua, Rebecca Añonuevo, Luna Sicat, atbp. Laging nasa alaala ko ang mga kuwento at tula nina Edith Tiempo, Lualhati Bautista, Merlinda Bobis, Elena Patron, Genoveva Matute, Ichi Batacan, Liwayway Arceo, at marami pa.

Bagamat may mga kababaihang manunulat sa henerasyong ito (hal. sina Charmaine Lasar at VJ Campilan), sana’y maging mas marami pa ang mga manunulat sa molde ni Lualhati Bautista, na “yumanig” sa mundo ng sining sa pamamagitan ng kanyang mga tanyag na nobela na sumasalamin sa masalimuot na mundo ng mga nakalipas na panahon.

Mabuhay ang mga kababaihan! Mabuhay ang mga babaeng manunulat! Mabuhay ang sining na yumayakap sa lahat ng nais na lumikha!

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281595244742691

Manila Bulletin Publishing Corp