Manila Bulletin

Maayos at Maaliwalas na Malacañan

Kung paano nagawa ang pagpapaganda ng Palasyo upang maging mas maayos at komportable para sa mga nagtatrabaho roon

Johannes L. Chua

ANG Malacañan Palace ay hindi lamang isang simpleng gusali na gawa sa bakal, bato, at kahoy. Ito ang tirahan at opisyal na opisina ng Pangulo, at representasyon ng bansa. Dito tinatanggap ng pinakamataas na opisyal ang mga pinuno ng ibang bansa, personalidad, mga dayuhang mamumuhunan, pati na rin ang mga sikat na banyagang artista at atleta. Ito ay nagpapakita ng yaman at ganda ng bansa, kaya mahalagang panatilihin itong maayos at maganda. Kung hindi ito maayos, paano mapapatunayan ng isang bansa na ito’y umuunlad?

Ang Malacañan Palace ay isang lumang gusali na may mahabang kasaysayan. Noong 1750, ito ay itinayo bilang summer residence. Ang mga pader, mga kahoy na sahig, at malalaking chandelier ng Palasyo ay puno ng mga kuwento tungkol sa mahahalagang sandali sa ating kasaysayan.

Sa mga nagdaang taon, makikita natin ang pagbabago ng Malacañan na sumasalamin sa pag-unlad ng bansa. Lumawak ang saklaw nito at naipatayo ang iba pang mga gusali upang tugunan ang pangangailangan ng burukrasya, at maiangkop sa mga hamon ng panahon.

Bagaman may romantikong aspeto ang Palasyo, ito ay talagang lugar ng trabaho. Matatagpuan dito ang iba’t ibang opisina; ang bawat isa ay mayroong tungkulin at ambag upang mapabuti ang pamamahala sa bansa. Kung ano ang estado ng Palasyo ay salamin din ng prayoridad ng Pangulo.

Malacañan ang tawag sa Palasyo habang Malacañang ang tawag sa buong complex. Sa Malacañang, mayroong higit 2,000 ang bilang ng mga staff – sila ang “puso ng tahanan.” Sila ang nagtatrabaho sa pagpapanatili, paglilinis, at pagpapakain sa mga bisita ng Palasyo.

Sa simula ng bagong administrasyon, nagsagawa ang Pangulo at Unang Ginang ng paglilibot sa buong Malacañang upang makilala ang staff. “Nakipag-usap sila at nagtanong kung paano sila makakatulong upang mapabuti ang kalagayan ng mga nagtatrabaho sa Malacañang,” ani Dina Tantoco, Deputy Social Secretary. “Bilang tugon, nagdesisyon ang Unang Ginang na magbigay ng libreng almusal, tanghalian, meryenda (kasama na ang kape) para sa lahat ng mga empleyado ng Palasyo. Gumawa rin ng

isang maayos na espasyo para sa pagkain na mas malaki kaysa sa dati. Ito ay upang maging mas kumportable ang mga staff tuwing kakain.”

Ang simpleng pagbabago na ito – ang handog na libreng pagkain – ay nakatulong upang mapataas ang morale ng mga staff. Dati kasi ay kailangan pa nilang magdala ng baon at kumain sa kanilang mga mesa sa trabaho.

Hindi rito nagtapos ang pagbabago, patuloy na may mga hakbang na ginagawa ang kasalukuyang administrasyon upang mapabuti ang kalagayan ng mga nagtatrabaho sa Palasyo.

“May maayos na cafeteria na dinisenyo ni Social Secretary Bianca Zobel. May pattern ng chessboard sa sahig, gallery lighting, at lugar para sa pahinga,” sabi ni Dina. “Dati itong masikip na lugar para sa kainan at ginagamit din bilang tulugan ng ilan sa mga staff. Subalit noong makita ito ng Unang Ginang, nagmungkahi siya na gawing cafeteria ang lugar na ito.”

Dahil inalis ang sleeping quarter at ginawang maayos na cafeteria, kinailangan ang paghahanap ng bagong lugar para sa dormitoryo ng mga staff ng Malacañang. Sa tabi ng Palasyo ay may isang hindi gaanong nagagamit na gusali ng Engineering.

“Binisita ito ng Unang Ginang at nakita niya na p’wedeng gawing sleeping quarters,” ayon kay Dina. Matapos ang ilang buwan ng renovation, nagkaroon na ng dalawang-palapag na sleeping quarters. Sa loob, mayroong mga bunk bed, lugar para sa kainan at pahingahan, indibidwal na mga shower room, kusina, at industrial washing machine. Libre ang lahat ng serbisyo rito (gaya ng pagkain o laundry) at p’wedeng magamit ng lahat ng miyembro ng staff.

“Ang Palasyo ay isang lugar kung saan 24/7 ang trabaho, kaya malaking tulong sa mga staff ang pagkakaroon ng malinis at maayos na sleeping quarters. Di sila magkakaproblema kung kailangan nilang magtrabaho nang late o gumising nang maaga. Layunin ng Pangulo at ng Unang Ginang na maging maayos ang trabaho ng mga staff ng Malacañang upang maging mas epektibo at magampanan nila ang kanilang tungkulin sa paglilingkod sa bayan.”

“Ang Palasyo ay isang lugar kung saan 24/7 ang trabaho, kaya malaking tulong sa mga staff ang pagkakaroon ng malinis at maayos na sleeping quarters. Di sila magkakaproblema kung kailangan nilang magtrabaho nang late o gumising nang maaga. Layunin ng Pangulo at ng Unang Ginang na maging maayos ang trabaho ng mga staff ng Malacañang upang maging mas epektibo at magampanan nila ang kanilang tungkulin sa paglilingkod sa bayan.”

Higit sa Disenyo

Dahil luma na ang Palasyo, maraming kailangang ayusin sa loob nito. Kailangan din itong ayusin upang maging mas praktikal at

epektibo ang paggamit ng mga espasyo.

Isa sa mga pagbabagong ito ay ang pagkakaroon ng hiwalay na lugar para sa paghuhugas ng pinggan. Dati-rati, magkasama ang hot at cold kitchen, na nagdudulot ng siksikan at disgrasya. Dahil maayos na ang kusina ngayon, mas napapabilis ang trabaho at serbisyo ng kitchen staff.

Nagkaroon na rin ng maayos na stockroom, indoor garden kung saan nagaalaga ng mga bulaklak, at mga modernong opisina. Nagbago rin ang Socials Office, na may konsiderasyon sa ergonomics upang mas mabilis makapagtrabaho at makipag-coordinate ang mga tauhan.

Bagama’t wala pang opisyal na State Visit na naganap, handa ang bagong administrasyon. Napatunayan ito sa kanilang paghahanda sa mga munting okasyon nitong mga nakaraang buwan.

Sa Reception Hall, mapapansin na hindi na ito madilim at may bagong kulay na puti ang pader, na nagpapalitaw lalo sa mga opisyal na larawan ng mga Pangulo.

Sa panahon ngayon kung saan malawak ang gamit sa social media, hindi maiiwasan na may mga puna at kritisismo sa mga nagaganap na pagbabago sa Palasyo. Nang tanungin kung may alalahanin ba ang Unang Ginang, sinabi ni Dina na, “para sa kanya (UG), ito’y isang paraan ng pagtulong sa bansa. Alam naman niya ang mga nangyayari, subalit nakatuon ang kanyang atensyon sa mga gagawin. Sa tingin ko, gusto niya lamang magbigay ng isang ‘lady’s touch’ – DQJ pagmamahal ng isang ina – sa Palasyo dahil ito ay sumasalamin sa kalagayan ng bansa.”

Marami pang kailangang gawin sa Palasyo. Sa kalaunan, layunin ng administrasyon na gawin itong “tunay na tahanan” ng taumbayan. Nagsimula na itong buksan sa publiko noong nagdaos ng Simbang Gabi sa may open ground.

Para sa Palasyo, mahalaga ang pagpapakita ng kakayahan ng mga Pilipino. Ngunit hindi ito magagawa kung hindi maganda ang kalagayan ng “puso” nito. Sa paggamit ng espasyo nang maayos, mapapadali ang trabaho ng mga tao. Kung maayos ang lugar ng trabaho, tumataas ang produktibidad, bumababa ang turnover rate, at mas nakakatipid pa ang bansa.

Ngayon, ano nga ba ang tunay na estado ng Palasyo? May mga naunang hakbang na, bilang tugon marahil sa panawagan ni PBBM na gawing mas maayos ang burukrasya. Katulad ng pagbabago sa buong bansa, nakakatuwa na maayos pa rin ang kalagayan ng Malacañan, at patuloy itong pinapabuti.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281698323957795

Manila Bulletin Publishing Corp