Manila Bulletin

Teorya ng Unang Panahon

Hindi kasi tayo nagsusulat tungkol sa masasayang alaala, sabi ko sa ’yo minsan, sa takot siguro na mawala ’yung kung anumang masaya sa mga alaalang iyon.

Edgar C. Samar

LIGANG

#201711221905

{ hello, hans.

{ alam ko, dapat na medyo nasaktan ako nung tinanong mo ako kung kaya ko bang magsulat tungkol sa masasayang bagay, pero ang totoo, okay lang. gets ko naman. well, siguro may konting sundot sa loob, pero hindi kasinsakit ng inaasahan ko. di ko alam kung <magugulat> ka ngayon pero totoo, gets ko naman ’yung ibig mong sabihin nun. tingin ko. noon, naisip kong sabihin sa ’yo na hindi ko naman kasi iniisip na nagsusulat ako tungkol sa “di-masasayang bagay,” gaya ng gusto mong palabasin, pero di na lang ako nagsalita kasi, feeling ko nun, magsisinungaling ako. malamang na maiisip mo ngayon, e hindi naman ’yun ang first time na nagsinungaling ka sa ’kin, anong big deal, pero siguro, sasabihin mo ito pagkatapos ko nang aminin ang pagsisinungaling ko kung sakali. at siguro, medyo natatawa ko ring sasasabihin sa iyo na ang galing mo talagang magsabi ng masasakit sa akin, ano? at tatawa ka ulit siguro sa akin pabalik, tapos, sasabihin mo, e masyado ka naman kasi talagang sensitive. gago, sasabihin ko, at malamang na magtatapos doon ang batuhan natin.

{ pero, kita mo, naiisip ko lang ngayon ang batuhang iyon kasi nga hindi ko kayang sabihin sa iyo noon na nasasaktan ako sa kahit na anong sinasabi mo sa akin. paano ko masasabi iyon kung laging parang ang saya-saya mo at parang totoong-totoo sa ’yo ang mga sinasabi mo at… parang… parang lagi kang nag-iisa––parang ikaw lang laging mag-isa kung hindi pa kita madalas na sasamahan. pasensiya ka na na biglang sinasabi ko ang mga ito ngayon. pero alam mo, <ang> dami nang nagbago simula nung umalis ka. hindi naman bigla. hindi naman tipong nagising na lang ako at nagbago na ang lahat. pero, ano ba, magdadalawang taon na, di ba, simula nung huli kitang makita, kaya ’yun, siguro nga, di ko napansin na nagbabago ang mga bagay habang nagbabago sila, pero ngayon, ngayong inaalala ko ’yung gabi na binasa mo ’yung bagong lyrics na sinulat ko, tapos ipinarinig ko sa ’yo, may kasabay na gitara, tapos ang sabi mo nga sa akin, kung marunong ba akong magsulat tungkol sa masasayang bagay, ngayon ko nari-realize kung gaano kaiba na nga pala ang mga bagay. kung itatanong mo ulit sa akin ’yun ngayon, makakasagot na siguro ako ngayon, tapos, sasabihin ko sa iyo na siyempre, alam ko kung paano magsulat ng ganun, ng masasayang bagay na sinasabi mo. di ko lang ginagawa at

wala akong balak gawin, kasi, anong point? iba ka rin, ano, malamang na sasabihin mo. alam mo, ang totoo, nami-miss ko ang pagsasabi mo sa akin ng ganun. iba ka rin, ano. tuwing sasabihan mo ako nun, pakiramdam ko, sinasabitan ako ng medal. siyempre ngayon, mas alam ko na. ibig kong sabihin, mas alam ko na tuwing sinasabi mo ’yun, ang ibig mo talagang sabihin e nakaisang hakbang na naman ako palayo sa iyo nang wala akong kamalay-malay. na kapag sinasabi mo sa akin iyon, tsine-check mo lang talaga kung naririnig pa kita, kung naiintindihan ko pa ang sinasabi mo, kung nagkakaintindihan pa tayo. well, narinig naman kita, ilang beses, obviously, pero ’yun nga, hindi nga siguro ako totoong nakinig. narinig kita pero hindi ko pala talaga nagets ’yung mga gusto mong sabihin. sasabihin mo siguro ngayon, ang galing mo talagang maglaro ng mga <salita>, ano, tulad ng ilang beses mong sinasabi sa akin noon. pero cliché na rin naman iyon. narinig kita pero hindi kita pinakinggan. pero ngayon, kung narito ka, malamang na sasabihin

mong hindi naman dahil cliché na iyon, hindi na totoo. alam mo, sa ating dalawa, alam natin pareho na mas ikaw naman talaga ang magaling maghabi ng mga salita e. grabe, ngayon ko lang yata ulit nagamit ang salitang ’yun. habi. kapag ikaw ang nagsalita, kapag may sinabi ka sa akin, madalas na magkasabay na papuri at atake. tulad nun. ang galing mo talagang maghabi ng salita. alam natin na tuwing sasabihin mo ’yun, ang gusto mo talagang sabihin e magaling lang ako sa paghahabi ng salita. grabe ano. ’yung mga sinasabi natin at di natin sinasabi. o di masabisabi. gago ka rin kasi. kaya siguro hindi kita pinagbigyan ng <kahit> anong masaya sa lahat ng isinulat ko’t tinugtog na ipinarinig ko sa ’yo.

{ tapos, nung unang bagong taon na wala ka, habang maraming tao ang nag-iisip ng mga resolution at masasayang bagay, ang iniisip ko e kung ano sanang masayang bagay ang naisulat ko para sa iyo bago ka umalis. hindi kasi tayo nagsusulat tungkol sa masasayang alaala, sabi ko sa ’yo minsan, sa takot siguro na mawala ’yung kung anumang masaya sa mga alaalang iyon. heto na naman tayo, sabi mo sa akin pagkasabi ko nun, ginagawa mo na namang <malungkot> lahat ng bagay. pero ’yun ang gayuma ng pagsusulat, giit ko, ’yung kalungkutan, ’yung ganitong kalungkutan. isa pa, magbabasa ka ba o makikinig ka ba talaga ng kanta kung mag-isa ka, kung mag-isa ka lang ha, kung masayang-masaya ka talaga? ewan ko, sabi mo, baka… siguro… kasi naman, di ko alam kung naging masayang-masaya na ba talaga ako… at ano bang ibig sabihin nun? paano ba maging masayang-masaya? kita mo na, sabi ko sa ’yo, ikaw ’yung basag-trip diyan e. fine, sige, sabi mo, pero sabihin nating susulat ka tungkol sa masayang alaala, ano’ng isusulat mo? di ka talaga sumusuko, ano, sabi ko. at alam natin parehong madalas namang ganun: hindi ka sumusuko at hindi ako sumusuko. walang marunong sumuko sa ating dalawa kaya siguro <tayo> nagkakasundo. hindi ko na maalala ngayon kung paano nagtapos ang pag-uusap nating ’yun, basta ang naaalala ko e hindi ako sumuko. ibig kong sabihin, hindi kita sinagot. di kita pinagbigyan sa tanong mo.

{ hanggang ngayon. matatawa ka siguro ngayon, pero oo, nag-decide na akong magsulat ng tungkol sa dalawang happy memories ko. tungkol sa iyo. kasama ka. naiisip kong binabasa mo ito <at> ang nasa isip mo, uy, gago, baka mawala na ’yung kung anumang masaya run sa alaala kapang shinare mo. pero puwede bang tumahimik ka muna? ikaw at lahat ng <demonyong> kritiko sa utak ko, sa loob ko, na dahilan kaya dalawa-tatlo-libo-libong beses kong pinag-iisipan ang lahat ng mga iniisip ko, ang lahat ng mga desisyon ko. sige, sige, malamang na isasagot mo, so demonyong kritiko rin pala ako sa utak mo, so iyan ba ’yung pinakamasasayang alaala ng demonyong kritikong ako na nasa alaala mo? ewan ko kung ito ang pinakamasasaya… excuse me ha pero wala akong time magkatalogo at mag-rank ng lahat ng happy memories ko na andun ka. masyado bang marami? nakangiting sabi mo. tangina, bakit ko ba ginagawa ’to? sabi ko. kasi, di ba, nagi-guilty ka na hindi mo sinulat ang mga iyan dati, habang nariyan pa ako? sabi mo, nakangiti pa rin. putek, alam ko, alam ko, pero puwede bang i-share ko na lang ngayon, please, as in tumahimik ka na lang muna for real, hans, please? tinotopak ka na naman ano, sabi mo, pero sige, go lang, shoot. hindi ko na pinansin ’yung tinotopak ka na naman. siguro, kasi nga, tama ka naman. tinotopak na naman ako. malamang. pero salamat sa <pagtahimik>. heto.

{ nasa grade 5 tayo, naaalala mo ’yung regional jamborette na pinuntahan ko sa tanauan? sa batangas? naaalala mong bad trip na bad trip ako sa ’yo nun kasi nangako ka na pareho tayong sasama sa camping, tapos nag-back out ka nung paalis na at ayaw mong sabihin kung bakit. basta sabi mo, di ka na puwedeng sumama. di ko alam kung galit na galit ako nun kasi biglang hindi ka na sasama, o dahil ayaw mong sabihin sa akin kung bakit biglang nagbago ang plano. limang araw ’yung jamborette. ’yun ’yung pinakamatagal na aalis ako sa bahay, malayo kina papa. ’yun ’yung pinakamatagal na di kita makikita mula nang magkakilala tayo nung bata tayo, nung pareho tayong nangongolekta ng pogs at pabalik-balik sa tindahan nina aling merly. sabi mo sa ’kin, maiiwan ka naman kasama sina mon kaya wag kitang isipin, na para bang ikaw talaga ang pinoproblema ko nung time na ’yun. hindi kita kinausap nang ilang araw. nung una, akala ko, testing lang, tipong di kita kakausapin nang maghapon pero pag kinausap mo na ako nang gabi, kasi madalas na tumatawid ka pa sa bahay nun pagkatapos maghapunan sa inyo, kakausapin na rin naman kita. e hindi ka nagpakita ng gabing yun. tapos na-badtrip ako lalo, kaya di pa rin kita

kinausap kinabukasan. tapos, di mo rin naman ako kinakausap. so walang usapan. alam ko, di ako ’yung susuko kasi hindi ako ’yung sumira sa usapan. hindi nga kita kinausap hanggang pasakay na ’yung patrol namin sa service na inarkilang bus mula sa school, hawak ko pa ’yung patrol flag namin na may drowing sa pentel pen ng lion, tapos biglang inilagay mo sa bulsa ng backpack ko ’yung ipod mo na kulay lime green. kasama ’yung charger. tapos, sabi mo, may ginawa kang playlist, tingnan ko. tapos, iniabot mo sa akin ’yung earphones. bigay sa ’yo ng ate jenny mo ’yung ipod. wala pang one year. si ate jenny na kaisa-isa mong ate. nakiki-ate na rin ako kasi wala akong ate, kuya lang. pero halos magkalapit lang ang edad namin. di tulad n’yo ni ate jenny na bata pa lang tayo, nasa japan na siya, nagtatrabaho. bago ’yung araw na ’yun, ayaw mong ipahawak kahit kanino ang ipod na ’yun. kahit sa akin. puwera kung andun ka rin at pinapanood ako na nakikinig dun. at kahit pa ako <ang> nakikinig, ikaw pa rin ’yung pumipindot ng play at stop. ikaw pa rin ang pumipili ng kanta na patutugtugin. sigurado ka? tanong ko sa ’yo. ibig kong sabihin, siyempre, sigurado ka bang ipapahiram mo sa akin ’yun. limang araw ’yun. at malayo-layo ang batangas. baka nabibigla ka lang. tumango ka lang at ngumiti at iminustra ang dalawa mong kamay na para kang naggigitara sa hangin. naintindihan ko naman agad siyempre. na may gitara ka rin naman, may music ka pa rin kahit mag-isa ka lang. mahusay-husay ka nang tumugtog nun. may ibang hagod ’yung ritmo ng pag-strum mo, isa pang bagay na ikinainggit ko sa ’yo nun, kaya ko pinilit na sumulat-sulat ng kanta. gusto ko talagang mag-camping, sabi mo sa ’kin. alam ko, sabi ko lang. okey, sabi mo, wag mong iwala ’yan ha, yari ka sa ’kin. akala ko akin na ’to, biro ko. gago ka, sabi mo. sa bus ko na kinuha at binuksan ’yung ipod. tiningnan ko agad ’yung playlist na sinasabi niya. puro old school. mga pinapakinggan ng papa ko at papa niya kaya naging paborito na rin namin. pet sounds. ultraelectromagneticpop. rests in pieces. asin. in utero. ang totoo, mas naaalala ko pa ’yung biyahe papunta dun na nakikinig ako sa ipod mo kesa dun sa mismong jamborette. kasi nga, biglang nagbago ang direksiyon ng isang bagyo

Hindi ko na maalala ngayon kung paano nagtapos ang paguusap nating ’yun, basta ang naaalala ko e hindi ako sumuko. Ibig kong sabihin, hindi kita sinagot.

nun at parang pinuntirya talaga ’yung camp site kaya para kaming mga basang sisiw nung madaling-araw ng second day, halos walang nakatulog sa amin. pero ang nasa isip ko noon, huwag hayaang mabasâ ang ipod at charger mo kahit anong mangyari. takot na takot kami sa lakas ng hangin ng bagyo pero nagtatawanan din kami, alam mo ’yun, nervous laughter, kasi ’yung camping, biglang naging rescue mission. tapos, nung papasikat na ang araw, naging relief operations, at para kaming mga evacuees ng kung anong matinding trahedya nang inilipat kami sa gymnasium ng munisipyo. tapos pangkatpangkat na kaming pinauwi nung ikatlong <araw.> natatawa ako ngayon pero grabe noon. nasa mata ka ng bagyo, nasa sentro ka ng unos, tapos tawa kayo nang tawa pero alam mong takot na takot din kayo. nagjo-joke pa nga ako tungkol sa jamborette na ’yun nang isoli ko sa iyo ang ipod, di ba. kaya guilting-guilty ako nung nabalita pagkatapos na may isa palang boy scout mula sa tiaong, quezon na namatay sa jamboree site dahil sa bagyo. pero parang dahil din dun kaya medyo nagkaayos tayo, hindi ba. so ’yan ’yung memory number one. masaya naman, di ba.

{ ’yung isa pang alalaa, noong nasa second year tayo tapos nagsulat ako ng kuwento. una’t huli kong kuwento, bago ako gumawagawa ng kanta. mas gusto ko naman talagang magkuwento-kuwento nun e, di ba. siguro, dahil kina mama at papa. na-derail lang ako ng hilig sa kanta dahil sa ’yo. kaya nga siguro iyon ang binalikan ko. well, binabalikan pa rin naman hanggang ngayon. ‘yung pagkukuwento. anyway, naaalala mo nung linggo na ’yun, nung may isang grupo ng college students mula sa iba’t ibang university at colleges na staff ng barkada! newsmagazine na pumunta sa school natin? namigay sila ng mga lumang isyu, tapos, naginvite silang mag-subscribe sa magazine nila. tapos, sabi nung isa, puwede tayong magpasa ng mga sarili nating isinulat para ma-publish pag nagustuhan nila. ’yun ’yung first time na nakakita ako ng mga tao na tinatawag ang sarili nila na manunulat. at andun mismo ang pangalan nila sa magasing hawak-hawak natin. parang ang astig-astig nun noon. tapos, ’yung cartoonist nila, nag-drowing pa sa blackboard natin. nagkatinginan tayo kasi kamukha ng presidente ’yung drowing niya, tapos nakatuntong ’yung presidente sa mga gumagapang na estudyante na may hawak na mga plakard. di ko alam kung ano talagang gusto niyang sabihin. pero parang gets naman natin kahit noon pa, hindi ba, kahit bata pa lang tayo. <naaalala> ko, na-tense ang mukha ni ser ruel. tapos napasulyap ako sa ’yo, titig na titig ka sa drowing. tapos, ako, parang noon, tingin ko sa kanila, ang tatapang nila. ang totoo, tatlo-limang taon lang ang tanda nila sa atin noon pero pakiramdam ko noon, ang dami-dami na nilang alam. parang alam na nila ang mundo. at wala na sa kanila ’yung mga away-bata natin. ang tumatak talaga sa akin noon, makapagsulat lang <ako> ng mapa-publish sa barkada!, solb na ako. parang ’yun na ang peak ng ambition ko sa buhay. tapos, nung nalaman ko na nasa bandang anonas lang ang opisina nila, isang sakay sa dyip lang at konting lakad mula sa bahay, naisip kong pumunta roon at magpasa ng sarili kong akda. ’yung totoong akda. akdang pampanitikan. siyempre, wala pa sa isip ko nun ’yung term na akdang pampanitikan. di ko pa rin naman talaga alam ang saklaw nun. kahit siguro hanggang ngayon. pero noon, basta gusto ko lang magsulat at ma-publish sa barkada! nainggit ako sa kanila noon e. parang nung time na ’yun, oa na rin sa atin ’yung pagsusulat ng mga sanaysay tungkol sa wika bilang kaluluwa ng bansa pag buwan ng wika, di ba, o pagsusulat tungkol sa pandaigdigang kapayapaan pag united nations, o kung ano ang halaga ng go, grow, glow foods kapag nutrition month. paulit-ulit. niloloko lang natin ang isa’t isa. <noon> ko naisip na magsusulat ako ng kuwento. noon mismo, habang binubura ni sir ruel ang drowing nung cartoonist sa blackboard pagkaalis na pagkaalis nila.

(ITUTULOY)

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281852942780451

Manila Bulletin Publishing Corp