Manila Bulletin

Ang Mapuputing Hibla

Parehong parahag-ot sina Nanang at Tatang. Isa ito sa mga trabaho sa aming isla na kinukuha ang maninipis at mapuputing hibla mula sa katawan ng mga abaka.

Ronnie M. Cerico

SABIK na sabik talaga ako tuwing sumasapit ang umaga. Pupunta kasi sina Nanang at Tatang sa bundok. Maiiwan na naman akong mag-isa sa bahay. Pero masaya ako dahil magagawa ko ulit ang iba’t ibang bagay. Na magagawa ko lamang kapag wala si Tatang. Parehong parahag-ot sina Nanang at Tatang. Isa ito sa mga trabaho sa aming isla na kinukuha ang maninipis at mapuputing hibla mula sa katawan ng mga abaka. Bandala ang tawag sa mga maninipis na hibla nito. Kailangang patuyuin muna para ibenta. Sabi nga nina Nanang at Tatang, ang bandala raw ang isa sa ipinagmamalaking produkto ng isla. Nakakarating daw ito sa iba’t ibang panig ng bansa at maging sa ibang panig ng mundo. Ginagawa raw kasi itong sinulid, tela, tsinelas, dekorasyon, facemask at kung ano-ano pa.

Kapag nasa bundok sina Nanang at Tatang, ako ang nagsasampay at nagbibilad ng mga bandala na kanilang iniuuwi. Puting-puti ito kapag natuyo sa init ng araw. Pumupula naman kapag naulanan. Kaya’t ingat na ingat ako na hindi ito maulanan. Kapag mapula, bumababa kasi ang presyo nito.

Tuwang-tuwa ako habang nagbibilad ng mga bandala. Nagagawa ko lang naman ito kapag walang pasok sa eskuwela. Kapag bakasyon.

Gandang-ganda kasi ako sa maninipis at mapuputi nitong kulay. Nababanguhan din ako sa amoy ng natutuyong mga hibla. Halos suklay-suklayin ko ito na para bang mahabangmahabang buhok ng isang prinsesa.

Isang umaga, hindi ako nakatiis sa mga hiblang nakasampay. Ginupit ko at ginawa kong parang buhok. Ipinatong ko sa aking ulo. Naglakad-lakad ako sa aming bakuran. Lakad. Ikot. Lakad. Ikot. Paulit-ulit na paglalakad at pag-iikot ang aking ginawa. Pakiramdam ko, isa akong napakagandang prinsesa na tinutugtugan ng musika. Isang prinsesa na may mapuputing buhok na ubod ng ganda at haba. Hindi ko maiwasan na tumawa ng mag-isa.

“Nardo! Umiral na naman ang kabaklaan mo!” sigaw ni Tatang mula sa aming tarangkahan. Buong akala ko nasa bundok na sila. Bumalik lang dahil naiwan ang kanilang pananghalian ni Nanang.

“Narda po, Tatang. Narda po, hindi Nardo,” malumanay at pabiro kong sagot.

“Pa-Narda, Narda ka pang nalalaman! Hindi ka na nga maasahan sa bundok, pinagsasayang mo pa ang mga hibla. Ibalik mo ‘yan sa sampayan!” inis pa ring dagdag ni Tatang.

“Pabayaan mo na, Agom,” sabi naman ni Nanang.

“Kinokonsinte mo pa kasi ‘yang anak mo. Turuan mo kayang maghag-ot.”

“Iba ang pangarap ng anak natin.” Tumigil na rin si Tatang sa sinabi ni Nanang. Napaisip bigla. Kinuha ang kanilang pananghalian at mabilis na bumalik sa bundok.

Wala namang problema kay Tatang kung ako’y babakla-bakla. Tanggap niya naman dahil nasa lahi naman talaga nila. Ilan nga sa mga tito ko na kapatid niya ang tinatawag kong tita.

Hindi niya lang matanggap na pinaglalaruan ko ang mga bandala. Nababawasan daw kasi ang

aming kinikita. At isa pa, ayaw ko ring talagang matutuhan ang kanilang hanapbuhay. Masyadong nakapapagod. Masyadong mahirap para sa maliliit kong kamay.

Hanggang isang araw, masama ang pakiramdam ni Tatang. Hindi siya makakapunta sa bundok. Bigla niyang kinatok ang pintuan ng aking maliit na silid.

“Anak, samahan mo na muna ang Nanang mo sa bundok. Tulungan mo na muna sa paghagot,” pakiusap niya sa akin.

“Dito lang po ako sa bahay, Tatang.” “Sige na, Anak.”

“Dito lang po talaga ako sa bahay, Tatang.” Biglang nainis sa akin si Tatang. Bigla niyang itinulak ang pintuang kawayan ng aking silid. Bigla akong napasigaw! Napasigaw sa pagkabigla. At takot na rin na makita niya ang aking mga ginagawa at itinatago-tago kong sekreto sa kaniya. Ngunit huli na ang lahat. Nakita niya na ang mga bagay na hindi niya dapat makita.

Biglang napatakbo si Nanang sa aking silid nang marinig ang aking sigaw na noo’y abala sa paghahanda ng almusal namin.

“Ano’ng nangyari, Agom?!” nanenerbiyos niyang tanong kay Tatang.

“Alam mo’ng lahat ng ‘to?” tanong niya kay Nanang habang itinuturo ang mga nakalatag sa papag ng aking silid.

“Oo, Agom. Alam ko lahat.”

“Gawa mo ‘tong lahat, Nardo?!” tanong ni Tatang sa akin.

“Tatang naman. Narda nga po, hindi Nardo. Gawa ko po ‘yang lahat. Pasensiya na po, Tatang.”

Kinakabahan pa rin ako sa puwedeng gawin sa akin ni Tatang. Pero napapansin kong untiunting nababawasan ang inis sa mukha ni Tatang.

“Anak, ang gaganda naman!” manghangmanghang nasabi ni Tatang habang isa-isang hinawakan ang mga gawa ko.

Nakita ni Tatang sa aking silid ang maramingmaraming hibla ng mapuputing hibla ng abaka. Ito iyong madalas kong kinukuha sa sampayan habang sila ay wala. Nakagawa ako ng makukulay na lubid, mga dekorasyon, buhok, manika at pang mga laruan---lahat gawa mula sa mapuputing hibla ng abaka.

Hindi alam ni Tatang na pino-post ko sa social media ang aking mga disenyo at obra. Wala naman kasi siyang selpon. Marami ang nagandahan. Marami na rin ang bumibili at umoorder kung kaya’t nakadagdag sa aming kinikita. Tinutulungan naman ako ni Nanang kapag hindi siya makasama sa bundok. Lahat ng kita ay ibinibigay ko sa kaniya. Wala na rin kaming utang na binabayaran sa tindahan na binabagsakan namin ng bandala.

Tuwang-tuwa si Tatang nang bilhan namin siya ng makina sa paghag-ot sa mga sumunod na araw. Hindi na siya mahihirapan sa mano-mano at tradisyonal na pagkuha ng mga hibla ng abaka.

At sa susunod na buwan, gaganapin ang taunang Abaca Festival sa aming isla-probinsiya. Isa kami sa naimbitahan na ibida ang aming mga produktong abaka sa gagawing exhibit sa Virac.

Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari sa amin. Basta ang alam ko lang, nagsimula lamang ito sa pagsasampay at paglalaro ko ng mapuputing hibla ng abaka. Na, ginawa ko lang naman na buhok ang mahahaba at mapuputing bandala, habang ako’y palakad-lakad at paikot-ikot—katulad ng isang napakagandang prinsesa.

Pakiramdam ko, isa akong napakagandang prinsesa na tinutugtugan ng musika.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

2023-03-01T08:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281930252191779

Manila Bulletin Publishing Corp