Manila Bulletin

Ipagmalaki ang Pagiging Malikhain

Johannes L. Chua

Ni Johannes L. Chua

MALAKI ang hamon na dala ng panahon ngayon dahil sabay-sabay (at napakabilis) ng mga pangyayari at pagbabago sa paligid natin. Sa mundo ng media, journalism, at malikhaing pagsulat, malaki ang magiging epekto ng AI o ang tinatawag na artificial intelligence.

Sa pag-type ng ilang command sa isang website, nakalilikha na ng buong mga istorya at artikulo ang AI. Naging malaking hamon ito para sa mga guro dahil ang mga estudyante ay mas umaasa na sa bisa ng AI kumpara sa pagsasaliksik o pagsusunog ng kilay.

Ang opinyon ko, at ito’y akin lamang, walang masama sa paggamit sa AI kung ito ay gagamitin bilang isang “companion” — tulong para mapalawig ang kaalaman sa isang bagay, gaya na rin halimbawa ng bisa ng internet. Kung ito’y makakatulong na mapabilis ang trabaho o makapagpabawas ng pagod, bakit naman ito hindi gagamitin?

Maraming institusyon na ang gumagamit ng AI. Ginagamit ito sa mga simpleng mga bagay

— pagsulat ng mga liham, paglikha ng itinerary, at pag-ayos sa mga artikulo. Ngunit, iba na ang usapan marahil kung gagamitin ito sa “paglikha” ng isang bagay (o istorya) na nagmumula sa wala. Halimbawa, kung ang isang maikling kuwento ay nilikha ng AI at sinabi mo na gawa mo iyon (dahil ikaw ang naglagay ng orihinal na “prompt”), masasabi ba na sa iyo ang kuwentong iyon? May mga narinig ako na nagke-claim na ukol dito. Subalit, kaya ba ng AI ang lawak at imahinasyon ng isang malikhaing manunulat? Mukhang di pa ito kaya ng AI sa kasalukuyan.

Marami pang mangyayari — mga bagong development na nagaganap kada minuto. Mas nagiging “matalino” ang AI at nakakatakot mang isipin, baka dumating ang araw na mas magaling na ito sa atin at magiging mas malikhain kaysa sa mga manunulat o ilustrador.

Nakaka-excite ang mundo ngayon dahil sa mga pagbabago. Kung patungo tayo sa maalwan na mundo o sa isang malagim na kinabukasan, hindi ‘yan nasa kamay ng AI kundi sa kung paano natin gagamitin ang AI sa kasalukuyan.

MGA NILALAMAN HUNYO 2023

tl-ph

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281616719751350

Manila Bulletin Publishing Corp