Manila Bulletin

Tatay

Mellodine A. Antonio

Ni Mellodine A. Antonio

NAKATUKOD ang dalawa niyang kamay sa likurang bahagi ng sasakyan.

Tila roon gustong umamot ng lakas na dama niyang unti-unting nauubos – nasasaid.

“Maraming iba, bakit siya pa?” Lumikha ng tila napiping tunog ang bahagi ng sasakyang sinuntok niya.

Bumadha ang gulat sa mukha ni Carmen.

“Ang daming masamang tao, bakit siya?” Hindi niya ikinaila ang pag-iyak. Malaya itong tumulo mula sa namamaga – namumulang mga mata.

Lumapit si Carmen.

Naramdaman niya ang marahang paghagod nito sa kaniyang likod.

Dama niya ang suyo.

Ang pag-aalala.

Ang pagnanasang makiramay sa kaniyang pinagdaraanan.

Ang makibahagi sa sakit niyang pinapasan.

“Maraming masama tao. Masamang ama. Masamang asawa.” Suminghot siya. Malakas. Tila tatakas ang kaniyang kaluluwa sa katawang lupa niya. “Tulad ng…!”

Dumiin ang paghagod ni Carmen sa likod niya.

Tahimik na pananaway – pag-awat sa kaniya.

Pero nagpatuloy siya.

“Wala akong natatandaang pagkakataong naging masama siya sa akin bilang ama. Parati siyang nakaaalalay sa ‘ming magkakapatid.

Kahit umalis ang Nanay, kahit minsan, hindi siya nagtaksil. Hindi nambabae. Walang naging bisyo maliban sa alagaan kaming mga anak niyang naiwan sa kaniya.”

Tumango-tango ang babae tanda ng pagsang-ayon.

LUMAKI silang tatay niya ang uma-attend sa mga activity nila sa paaralan.

PTA, investiture ng Boy Scout, kumpil,

Family Day, sports fest. Name it! Sa lahat ng iyon, Tatay ang kasama niya – nila!

At ipinagmamalaki niya – nila iyon sa lahat ng kaklase at mga gurong manghang-mangha at tuwang-tuwa sa kanilang mag-aama!

“Naka! Tatay’s boy! Tatay’s boy!” panunukso ng mga kamag-aral sa kaniya na imbes ikainis ay lalo niyang ikinatutuwa.

Hindi lahat ng tatay, pumupunta, nakapupunta o gustong pumunta sa paaralan para samahan ang mga anak nila. Samantalang siya – silang tatlong magkakapatid – tatay ang parati nilang kasama.

“Ano, tatalunin ba natin sila sa agawangbiik?” Nakangiti pati ang malalalim na mata ng tatay niya nang tanungin siya.

Mabilis at sunod-sunod na tango ang sagot niya.

Wala pa silang sinalihang laro na hindi sila ang nanalo.

Malakas ang tandem nilang mag-ama.

Hindi lahat ng tatay, pumupunta, nakapupunta o gustong pumunta sa paaralan para samahan ang mga anak nila. Samantalang siya – silang tatlong magkakapatid – tatay ang parati nilang kasama.

Mula pa elementarya, kilalang-kilala na ang tambalan nila sa sports fest.

Sa high school, kinatakutan na tambalang Caezar at Remar. Halos magsintaas silang mag-ama, 5’11”. Magsinlapad ng katawan. Mas matigas at ma-muscle lang ang braso, hita’t tiyan ng tatay niya. Siya, may kaunti pang taba. Hindi pa masyadong batak ang katawan. Tamad pang mag-gym. Mahilig pa sa mga burger at fries.

“GUSTO mo ba ng beer?” mahina nitong idinunggol sa kaliwang braso niya ang malamig na serbesa.

Tinanggap niya iyon.

Nilaro-laro ng kamay ang nagpapawis sa lamig na bote.

“Masakit ba?” itinuro nito ang sariling dibdib – sa tapat ng puso.

Yumuko siya imbes na tumango.

“Una?” Hinila nito ang silya bilang pag-alok na maupo rin siya.

Sumunod siya.

“Basted?” Napangiwi ito. Tila ayaw bigkasin ang salitang alam niyang makasasakit nang higit sa anak.

Hiyang-hiya ang isang tangong tugon niya.

“Bakit daw?” Nagsalubong ang mga kilay nito. “Sa guwapo mong ‘yan, aba, para siyang nagtampo sa bigas!” birong-totoo nito.

“May boyfriend, e!” mahinang pag-amin niya.

“A, ‘yon lang!” Sabay tungga sa serbesang hawak. “Ang kay Pedro kay Pedro, di dapat pagnasaan o agawin ni Juan.”

“Gusto ko siya, e,” pagdidiin niya.

“Hindi lahat ng gusto mo, makukuha mo. Dahil hindi lahat ng gusto mo, makabubuti sa ‘yo,”

mariin nitong sabi.

Sinalubong niya nang tuwid ang tingin ng ama.

Dama niya ang pag-unawa nito pero naroon ang paninindigan sa mga salitang binitawan.

“Ganoon ang buhay. May mga bagay na kahit gaano mo kagusto, hinding-hindi mapapasaiyo. Batas ‘yon ng buhay.”

“Kaya ba parating may hinahanap ang tao? Kaya parating kulang? Kaya madalas hindi masaya?” sunod-sunod niyang tanong.

“Hindi!” Matigas ang boses. Iyon ang tonong ginagamit nito kapag silang tatlong anak na lalaki, pinaiiral ang tigas ng ulo –- ayaw makinig – nalalapit sa gulo.

Ginulo nito nang bahagya ang buhok niya.

Gawi nito iyon kapag pilit pinagagaan ang mabigat na usapan o sitwasyon sa kanilang pagitan.

“Parati kasing mapaghanap ang tao,” simula ng paliwanag nito. “Hindi marunong makuntento.” Nagsalubong ang mga mata nila.

Walang gustong magbaba ng tingin.

“Sasaya ka kung pipiliin mong maging masaya. Malulungkot ka kung ang pansin mo parating nasa kulang – nasa wala – nasa malayong panaginip.”

“Pero di ba, ‘Tay, dapat ang pangarap, inaabot? Iyong panaginip, pinipilit makamit para maging katotohanan?” Pagpipilit niya sa puntong pinaniniwalaan niya.

Ngumiti ang Tatay niya.

Bumuntonghininga.

“Pangarap namin ng Nanay n’yo na mabigyan kayo ng magandang buhay. Hindi namin maibibigay iyon sa inyo kung ako lang ang magtatrabaho. Ang panaginip namin para sa inyo, hindi kayo mapag-iwanan ng mga kaibigan ninyo. Makasabay kayo sa lahat ng mayroon sila at kayang ibigay ng mga magulang nila. Ayaw namin kayong magmukhang kawawa. Ayaw namin kayong nahuhuli sa uso. Gusto namin na sa maayos at pribadong paaralan kayo makapagtapos.”

Dama niya ang malalim na lungkot ng ama.

“Umalis ang Nanay n’yo para ro’n. Iyon kasi ang gusto namin. Iyon ang pangarap. Iyon ang panaginip. Pero…” Napailing ito.

“Pero…?” Nakaawang ang bibig na tanong niya.

Tinapik nito ang balikat niya. “Iyong saya… Iyong ligaya na akala namin kasama no’ng katuparan ng pangarap…”

Hinawakan nito ang beer.

Diretsong tinungga.

Sinaid.

“Anak, masaya siguro kung narito ang Nanay n’yo. Masaya siguro kung kumpleto tayo. Iyong may katabi ako sa pagtulog. Iyong may Nanay kayong mapagkukuwentuhan ng mga kalokohan ninyo. Iyong may asawa ako at Nanay kayong aasarin natin … Ipagluluto tayo… Ipagluluto natin… Araw-araw nating kasama.” Nabasag ang boses nito.

“’Tay…” mahinang tawag niya. Nag-alala siya sa kakaibang lungkot na noon lamang niya nakita at nadama sa Tatay niya.

Tila ito nahimasmasan. “Ubusin mo na ‘yan. Matulog ka na pagkatapos.” Tumayo ito. “Marami pang darating. Marami ka pang makikilala. Huwag mong masyadong damdamin.”

TINANDAAN niya iyon.

Naging padron.

Pinanghawakan bilang giya sa buhay.

Nagkapamilya siya. Ang nanay niya, nasa ibang bansa pa rin.

Inalok niya ang ama na pumisan na sa kanila.

Ayaw nito.

Ang katwiran: “Dito ‘ko iniwan ng nanay niyo, dito rin niya ‘ko dadatnan.”

“Kelan ba’ng uwi niya? Ang tagal na niya ro’n, a.”

“Huwag kayong mainip. Darating siya. Uuwi siya. Nangako siya, e. Uuwi ‘yon. Mahal ako no’n, e. Mahal niya kayo.”

MARAMING taon ang lumipas.

Nag-asawa na rin ang dalawa pa niyang kapatid.

Pero, hindi pa rin umuuwi ang nanay nila.

Kita na niya sa itsura ng ama ang pagkapagod sa buhay.

Hindi lang gatla sa mukha.

Hindi lang pagkulubot ng balat.

“Kelan talaga siya uuwi?” matigas niyang tanong.

Lumikot ang mga mata ng tatay niya.

Iniiwasan ang nagtatanong – nang-uusig niyang mga mata.

“Malapit na.” Mahina. Kapos sa katapatang tugon.

“Malapit na?”

“Oo! Malapit na!”

Nagpakawala siya ng mahinang tawa. “Malapit na siyang umuwi o malapit n’yo nang sabihin sa amin ang totoo?”

Nagbaba ng tingin ang Tatay niya.

“’Tay, idolo namin kayo. Hanga kami sa pagiging Tatay ninyo. Sa pagiging mabuti’t tapat na asawa n’yo. Kayo ang nagturo sa amin na maging tapat, huwag magsinungaling kahit ga’no kabigat o kasakit, pero bakit iyon ang di n’yo magawa ngayon? Bakit iyon ang ipinagkakait n’yo sa amin?”

Tumungo ang Tatay niya.

Talunan.

Bagsak ang mga balikat.

“Hindi lahat ng gusto natin, makukuha natin. Hindi lahat ng katuparan ng mga pangarap at panaginip natin, makapagpapasaya sa atin.” Durog ang puso ng tatay niya. Nanginginig ang boses. Nangangatal ang mga labi.

Nilapitan niya ang ama.

Ipinatong ang isang palad sa balikat nito.

“Sampung taon na ro’n ang Nanay n’yo no’ng magsabi siyang di na siya uuwi. Na pipirmi na siya ro’n dahil may… m-may… may bago na siyang p-pamilya.” Napakagat-labi ito. May tila kung anong pinipigil. “Hindi ko na nakuhang magalit nang sabihin niyang may pangangailangan din siya. Na nangulila siya sa akin – sa atin. Na di niya nakayanan ang lungkot.” Nanginig maging ang mga kulaba nito sa ilalim ng higit pang lumalim na mga mata. “Nagkasundo kami. Patuloy siyang magpapadala para matupad ang mga pangarap namin sa inyo. Di ko siya guguluhin. Di na hahabulin. Mananatiling mabuting mga magulang sa inyong mga anak namin.”

Nakadama siya ng panggigipuspos.

Kailan lang niya nalaman.

Nang may isang dating kakilalang nagbalita sa kaniya. Nakasama ng nanay nila sa ibang bansa. Alam ang nangyari sa kanilang pamilya.

Noon pa pala.

Matagal na pala.

Paanong natiis iyon ng tatay niya?

LAKING pagsisisi niyang binuksan ang paksang iyon sa tatay niya.

Nagsimula kasi itong tumamlay.

Ginagawa pa rin ang mga nakagawian pero wala ang sigla.

Tila bigla ring tumanda.

Magiliw pa rin sa mga apo.

Maasikaso pa rin sa mga anak at manugang pero di na nawala ang lungkot sa mga mata. Di

“May mga bagay na kahit gaano mo kagusto, hindinghindi mapapasaiyo. Batas ‘yon ng buhay. Parati kasing mapaghanap ang tao. Hindi marunong makuntento.”

na maitago ang labis na pagkapagal sa buhay.

Hanggang isang umaga, dumaing ito.

“May masakit sa tiyan ko. Ilang araw na ‘to. Di makuha ng mefenamic.”

Nagdesisyon sila.

Doon sa ospital, maraming pagsusuring ginawa.

May kung ano-ano itong tusok sa katawan.

Pati dugo, kinailangang salinan.

“I’m sa kalagayan niya,” umpisa ng worried doktor. “Iyong edad niya kasi di na kakayanin ang chemo at radiation. Hindi n’yo ba napansin ang pamumutla niya?”

Nalito siya.

Chemo…?

Radiation…?

“I’m suspecting leukemia. I’ve requested for a bone marrow biopsy. From the result, we’ll see kung pa’no ia-address ang problema.”

Tila sumabog ang mundo niya.

Tila siya namanhid.

NAKATUNGHAY siya sa ama na nakahiga.

Malamig sa kuwartong iyon ng ospital pero pinagpapawisan siya.

Gustong lumabas ng puso niya sa labis na kaba.

Ngayon, higit kailanman, nagkaroon ng itsura sa kaniya ang takot.

Naging malinaw sa kaniya ang larawan ng ligalig.

Nasa harapan niya ang napakalaking bagabag.

“Uuwi na tayo.” Nagpakawala siya ng ngiti. Idinadalanging naitago niya sana ang totoong laman ng puso.

“M-Magaling n-na b-ba ‘k-ko?” mahina’t mabagal nitong tanong.

“Oo naman! Magaling na magaling na! Miss na rin namin ang luto’t pag-aasikaso mo sa ‘min, ‘Tay.” Ginagap niya’ng palad nito. “Uuwi na tayo, ‘Tay.” Pigil na pigil niyang pumiyok. Inaalalayan ang sariling boses na huwag mabasag o gumaralgal.

MABILIS na mabilis iyon.

Habang pinapanalangin niyang tumagal pa ang ama, saka naman tila nagmamadali ang panahon.

“Inaantok ako. Matutulog ako.” Pumikit ito bago muling nagsalita.

Inisa-isa ang pagtawag sa pangalan nilang mga anak.

Tinawag din ang pangalan ng mga manugang.

Inisa-isang mga apo saka pumikit nang mariin.

Bahagyang tumagilid – hudyat na huwag itong gambalain.

At pinagsisihan niya iyon.

Malaking-malaking pagsisisi.

“UWI na tayo,” mahinang yakag ni Carmen. “Nagpapahinga na ang Tatay. Hinihintay na rin tayo ng mga bata.” Muli nitong hinagod ang likod niya.

Mas masuyo.

Nagpapahatid ng pag-unawa.

Pakikiisa.

Pakikiramay.

Tumango siya.

Hinamig ang sarili.

Muling humakbang.

“Sandali na lang,” pakiusap niya sa asawa. “Saglit na lang.”

Muli niyang tinunghayan ang pinaglagakan sa ama.

Umupo.

Hinaplos-haplos ang bagong lagay na lapida.

Pinasadahan ng haplos ang nakaukit na larawan ng ama.

Nakasulat ang petsa ng kapanganakan at petsa ng ….

Huminto ang mga daliri sa gitling na nakapagitan sa mga petsang iyon.

Maiksi ang bantas pero mahaba ang panahong katumbas.

“May mga bagay na kahit gaano mo kagusto, hinding-hindi mapapasaiyo. Batas ‘yon ng

Tila nauulinig niya ang boses nito. buhay.” “Parati kasing mapaghanap ang tao. Hindi marunong makuntento.”

Bumagsak ang mga luha niya.

Pinalaya niya ang lahat ng lungkot at pighating nadarama.

“’Tay, wala kaming hinanap sa iyo. Wala kang kulang. Sobrang-sobra ka. Kuntento kami sa pagmamahal at pag-aalaga mo. Sana masaya ka rin sa naging pagmamahal namin sa ‘yo.” Nadama niya ang lamig na tila yumakap sa kaniya at humaplos sa malungkot na puso niya kasabay ng tila bulong ng mga salitang huling binitiwan ng ama. “Mabait sa akin ang Diyos dahil binigyan Niya ako ng mababait na anak na tulad ninyo.”

MGA NILALAMAN HUNYO 2023

tl-ph

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281887302690998

Manila Bulletin Publishing Corp