Manila Bulletin

Dalawang Tula

Hyacintha B. Lupig

Ni Hyacintha B. Lupig

Torpe

Paano sabihin ang di mo kayang sabihin? Una, idaan sa mga pahaging na parang pagdampi ng hangin sa kabukiran. Banayad at payapa ngunit nararamdaman nanunuot sa kalamnan kahit sa katanghalian.

Ikalawa, daanin sa ngiti, daanin sa tawa. Ang seryoso kapag hinaluan ng halakhak ay nagiging palaisipan. Nagiging biro na punong-puno ng nilalaman Subukin mang arukin ng isip ay maliligaw sa kawalan.

Ikatlo, mag-iwan ng mga bakas. Mga markang palatandaan na hindi kathang-isip lamang ang naramdaman Subalit limitahan lamang sa isa o dalawa Huwag hayaang lumabis lalo na’t nakaharang na ang hangganan.

Ikaapat, alalahanin ang mumunting detalye. Piliin ang pinakawalang kwenta, iyong wala naman talagang saysay, subalit makapagpapadama ng halaga.

Sa ganoong paraan, nasabi ko ang lahat nang di ko kayang sabihin kanya.

Siyasat

Mahal kita. Lagi kong sagot sa paulit-ulit mong tanong Bigla akong mapapahinto, mapapaisip Babalikan ang kanina, ang kahapon, at noong isang araw Uusisain ang bawat detalye ng mga ginawa’t sinabi Kukunot ang noo. Mapapakamot sa ulo. Uungkatin ang memoryang parang bula Piling-pili lang ang maalala, sigurado. Ano kaya ang naging atraso?

Minamahal kita. Panigurado ko sa paulit-ulit mong tanong Napagtanto na madaling maglaho ang salita Tinatangay ng hangin ng panahon ang kilig sa bawat kataga. Hindi sa lahat ng araw ay nagkukulay pula ang mga letra sa “Mahal kita.” Sa kalaunan, ang tamis sa pagbigkas ay nagiging ordinaryong musika, hindi na nakapagpapalundag sa tuwa.

Mamahalin kita. Pangako ko habang paulit-ulit mo akong tinatanong Batid ko na hindi sapat ang mangako Hindi ito katibayan ng walang hanggan. Kaya’t lalakipan ng patunay ang bawat pagsagot Ilalarawan ng mahigpit na yakap, ng mga ngiting ipinipinta sa iyong labi Patutunayan ng araw-araw na pagpili, ng aking pananatili Batid kong may pangamba ka sa hinaharap Kaya’t pagsusumikapang palitan ang duda ng pagtitiwala Pagpapaguran hanggang sa maging tayo ang itadhana At dalangin sa paglipas ng panahon, masagot ng buong husay ang lagi mong tanong.

MGA NILALAMAN HUNYO 2023

tl-ph

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281956022167734

Manila Bulletin Publishing Corp