Manila Bulletin

Dalawang Tula

Shur C. Mangilaya

Ni Shur C. Mangilaya

Lakbay

Isa kang putol na kahoy na inanod ng baha sa ilog. Pinatibay ng mahabang tag-araw, sa pananatili sa isang dako.

Sa tagal ng pagkakababad sa tubig at pagkakabaon sa buhangin, nagbabago ang iyong hugis at anyo.

Sa pagdating ng tag-ulan, inaahon ka mula sa iyong kinasadlakan.

Sa lalim at lakas ng ragasa ng tubig, umuusad at natatangay kang muli ng agos. Nagpapatianod para sa muling paglalakbay.

Biyahe

Sadyang masarap pumikit sa mahaba-habang biyahe. At hayaang dumaloy ang diwa sa lupalop ng mga hiwaga.

Sa gitna ng karimlan nagpapatianod tayo sa alapaap ng mga panaginip. Natatagpuan natin ang ating sarili na naroroon na tayo sa ating mga pangarap.

Kahit nagsisimula pa lamang tayong umusad, sa landas na ating tinatahak.

MGA NILALAMAN HUNYO 2023

tl-ph

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282007561775286

Manila Bulletin Publishing Corp