Manila Bulletin

Artsibo ng Nobelang Komiks…

Edgar C. Samar

Ni Edgar Calabia Samar

(IKA-31 LABAS)

NOBELANG KOMIKS BLG. 38

SIGA-SIGA

Manunulat: Nemesio B. Caravana Ilustrador: Alfredo P. Alcala Publikasyon: Liwayway Bilang ng Labas: 32 Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2, tig-3 sa huling dalawang labas Unang Labas: 12 Enero 1953 Huling Labas: 17 Agosto 1953

BUOD

GINIMBAL ang Purok ng Santa Krus ng sunod-sunod na putok. Hinahabol ng mga pulis ang isang babaeng nakadamit-lalaki dahil sa pag-agaw nito ng isang bag mula sa isang matandang babaeng galing sa sine. Binaril at tinamaan sa braso ang babae na nakapagtago sa isang basurahan. Hindi natagpuan ng mga pulis ang babae na nagngangalang Gilda. Nakauwi si Gilda sa kanila at inabutang nagaagaw-buhay si Tandang Sepa, ang lola na kinagisnan niyang magulang. Sinabi ng matanda sa apo na ayaw hindi niya gustong maipagamot ng perang ninakaw nito at pinakiusapan itong isauli iyon. Bago nalagutan ng hininga ang matanda, ibinigay nito ang isang kuwintas na may kay Gilda na naiwan umano ng ina ng

locket dalaga. Sumumpa naman si Gilda sa bangkay ng kaniyang lola na isasauli niya ang salaping ninakaw.

Salamat sa tarheta sa loob ng bag, napuntahan ni Gilda ang tahanan ng may-ari ng bag, si Donya Teresa Aguila, sa Daang Alhambra. Ipinagtapat niya sa donya na namatay na ang pinag-ukulan niya ng salapi at inalok siya nito ng pampalibing subalit tinanggahin niya. Naglakad siya pauwi at nakita niya sa muwelye ang patalastas na naghahanap ng mga lalaking matipuno ang pangangatawan at sanay sa

mabibigat na gawain. Nang makipila siya’y tinangka siyang pigilan ng isang lalaki na agad niyang inundayan ng suntok. Nakabalik si Gilda sa pila pero pagdating niya sa kapatas ay hindi rin siya tinanggap nito dahil para sa mga lalaki lang umano ang trabaho.

Naisipan niyang ipaputol ang mahabang buhok para maging ganap na lalaki ang kanyang anyo. Matapos magpagupit ay bumalik siya sa muwelye para muling pumila. Nagpakilala siya sa kapatas bilang Tenorio de la Cruz at tinanggap siya sa trabaho. Matapos ang trabaho ay nakiusap siya sa kapatas para pautangin siya ng pampalibing pero hindi siya pinagbigyan. Umuwi siyang malungkot pero nagulat siya nang datnang maayos na ang burol ng bangkay ng lola niya. Nilapitan siya ng kapitbahay na si Aling Maria para sabihing isang matandang babae ang tumulong sa burol at nagiwan pa ng pera. Naisip agad ni Gilda na malamang na si Donya Teresa iyon. Maayos na naipalibing si Tandang Sepa.

Nagpatuloy sa pagpapasan ng sako sa muwelye si Gilda at pagdating ng unang araw ng suweldo ay nagulat siyang kulang ang tinanggap na sahod. Nagalit siya matapos sabihing kinaltasan siya para sa samahan ng mga manggagawa at para sa abuloy sa namatay na asawa ng isa nilang kasama. Nayamot naman ang pagador sa kanya at sinabihan siyang umalis kung hindi gusto ang palakad. Sinuntok ni Gilda ang pagador na nagtawag ng pulis, subalit sinabi ni Gilda sa pulis na ang pagador ang dapat arestuhin dahil kulang ang pasuweldo.

Naalis pa rin sa trabaho si Gilda at bumalik sa dati niyang hanapbuhay na pag-a-agwador. Susunod-sunod sa kanya si Tulume, ang bata niyang kaibigan na limpiya-bota na humikayat sa kaniyang maglimpiya-bota rin dahil mas mainam ang kita. Niyaya siya nitong dumayo sa pista sa Antipolo upang doon maglimpiyabota at nang makita ang suki ni Tulume na si Don Esteban. Nagpasalin-salin sa iba’t ibang bus ang dalawa dahil wala silang pambayad sa pamasahe hanggang sa makaritang sila sa Antipolo. Subalit pagdating nila sa plasa, ayaw magbigay ng lugar kina Tulume at Tenorio ng mga batang taga-Antipolo na paglilinis din ng sapatos ang hanapbuhay. Nakipagbabagan ang dalawa hanggang sa awatin sila ng isang pulis. Pauwi na dapat ang dalawa na hirap at gutom lang ang dinayo sa Antipolo nang makita nila ang sasakyan ni Don Roman, na suki ni Tulume sa Maynila at may bahay-bakasyunan sa Antipolo.

Hinarap sila ng don at sinimulang ipalinis kay Tenorio ang sapatos. Habang sinisipilyo ni

Tenorio ang sapatos ni Don Roman ay umaawitawit siya ng kantang nagpagunita naman sa don ng kaniyang kahapon nang naging kasintahan niya ang isang labanderang hinamak ng kaniyang ina. Sinabi naman ni Tenorio na ang ina niya ay isang labanderang namatay nang sanggol pa siya. Dahil nabahala, nagpasyang umalis na si Don Roman pero nasa tupada ang kaniyang tsuper. Sinamantala naman iyon ni Tenorio para siya ang magmaneho sa matanda. Nagulat ang don sa husay sa pagmamaneho ni Tenorio. Sinabi naman ni Tenorio na may karanasan siya sa pagmamaneho ng jeepney at six-by-six kahit wala siyang lisensiya. Nangako si Don Roman na ikukuha ng lisensiya si Tenorio at gagawing palagiang tsuper.

Isinama ng don si Tenorio sa tahanan niya sa Maynila at hinangaan ng mga utusang babae ang kakisigan nito. Agad sinawata ang mga babae ni Senyora Luisa, ang ina ni Don Roman. Isinama rin ng don si Tenorio sa bahay-asyenda nila at sinalubong sila ng tagapamahala roong sina Don Luis at Donya Momay kasama ang anak na dalaga ng mga itong si Elvira. Nagkaroon ng iringan sa pagkain sina Elvira at Tenorio at pagdating ng gabi, hindi malaman ni Tenorio kung saan siya matutulog. Kasama ang kapatid niyang si Alberto, sinabi ni Elvira na sa kamalig matutulog si Tenorio dahil iyon ang para sa mga utusan. Sa kamalig, nakasama niya sa paghiga sa dayami ang utusang si Rodrigo at naibuntonghininga ni Tenorio na parang baka pala kung patulugin sa asyenda ang mga tao. Nagkainitan ng ulo ang dalawa dahil sa kanikaniyang likot sa pagtulog at nagkahamunan ng suntukan kung hindi sila inangilan ng isa pang manggagawang nagising, si Ernesto. Noon naman sila nakarinig ng malakas na sigaw mula sa mga kural at natiyak nilang pinagnanakawan na naman sila ng baka.

Habang ligalig ang mga manggagawa sa bakahan dahil sa nakawan, abala naman si Elvira sa pagsilo sa puso ni Don Roman. Kinaumagahan, tinipon ni Don Roman ang mga tauhan sa asyenda para kausapin tungkol sa sinabi ni Don Luis na pagkamatay ng maraming baka dahil sa peste at sa nangyaring nakawan. Sinabi ni Rodrigo na wala siyang nalalamang peste at na hindi rin niya maunawaan kung paano sila napapasok ng magnanakaw. Ikinagalit

Hinahabol ng mga pulis ang isang babaeng nakadamit-lalaki dahil sa pag-agaw nito ng isang bag mula sa isang matandang babaeng galing sa sine. Binaril at tinamaan sa braso ang babae na nakapagtago sa isang basurahan. Hindi natagpuan ng mga pulis ang babae na nagngangalang Gilda.

naman ni Alberto ang pagsabad ni Rodrigo sa pagsasalita ni Don Roman. Hinagupit ni Alberto si Rodrigo na inawat ni Don Roman. Si Tenorio naman ang nanghamon kay Rodrigo na ituloy ang naantala nilang suntukan nang sinundang gabi pero sinaway rin sila ng don.

Pagbalik sa Maynila, kinagabihan ay naligo si Tenorio sa

swimming pool at nasilip siya ni Donya Luisa na nakaalam na isa siyang babae. Napilitang ipagtapat ni Tenorio na mula nang mamatay ang Lola Sepa niya ay nag-anyong lalaki siya dahil laganap ang “sex gang” at hindi siya magkakaroon ng trabaho bilang babae. Narinig sila ni Don Roman kaya lumabas ito at natuklasan ding babae si Tenorio. Nahiya ang dalaga sa don na humihingi ng paliwanag sa pagbabalatkayo niya. Noon napansin ng don ang

na suot ni Gilda na locket may titik na Roman at Ana at noon na niya nalaman na si Gilda ang anak niya sa labanderang naging kasintahan niya. Humingi ng tawad sina Don Roman at Donya Luisa kay Gilda at nangakong babawi sa mga pagkakasala sa ina niya.

Ipinasok ni Don Roman sa paaralang primarya si Gilda nang malaman niyang ni hindi ito nakatungtong sa kahit na anong grado. Dahil madalas na tinutukso siya ng mga batang kaklase bilang Niña Popot, ayaw nang pumasok ni Gilda sa eskuwela kaya ikinuha na lang siya ng pribadong guro. Subalit patuloy sa kinamihasnang pakikipagbabag si Gilda na ikinasasama ng loob ng kaniyang lola. Ipinasya ng don na ipadala ang anak sa asyenda na ikinatuwa naman ng babae para umano malutas niya ang nakawan sa asyenda.

Habang papunta sa asyenda, nakipagkasundo si Gilda sa utusang si Angela na magpanggap na ito ang senyorita at siya ang utusan. Sa daan, natanaw nila si Rodrigong nakipagbabag sa baka at binalian ng leeg ang hayop. Pinuna ni Angela na parang namalikmata si Gilda sa lalaki. Pagdating sa asyenda, sinalubong sila nina Don Luis. Minaltrato nina Alberto at Elvira si Gilda na akala nila’y utusan. Samantala, sumama naman si Gilda kina Rodrigo sa pagrarasyon ng gatas ng baka matapos malamang binabantuan ng mga ito ng tubig ang gatas sa utos nina Alberto. Lumipas ang maraming araw at sa madalas na pagsasama ay nahulog ang loob nina Rodrigo at Gilda sa isa’t isa. Napag-alaman namang isa palang sekretang pribado si Rodrigo na kinasundo ni Don Roman para siyang lumutas sa nakawan sa asyenda. Natiktikan nito si Alberto na siyang pasimuno sa nakawan. Dinakip ng mga maykapangyarihan

ang lalaki at pinalayas ni Don Roman ang buong pamilya ni Don Luis sa asyenda. Ginawa niyang tagapamahala si Rodrigo na pinakasalan naman si Gilda.

⦿

ILANG PANSIN

Malinaw na tungkol sa kasarian, partikular sa pagkababae, ang nobela, at ang mga inaasahang paraan ng pagkilos at kakayahan mula sa kanila. Kaya naman, mahalagang sinimulan sa pagbibihis-lalaki ni Gilda ang nobela upang agad na maitampok ang paglabag niya sa inaasahan ng lipunan sa kaniya. Nagpatuloy ito sa pagsisikap niyang pumasok sa mga gawaing inaasahang para sa mga lalaki lang at sa kakayahan niyang makipagsuntukan sa mga lalaki dahil sanay umano siyang “lumaban ng basagan ng mukha.” Samantala, kapansin-pansin naman na kaiba sa kasalukuyan, karaniwang babae ang konduktor ng bus noon.

⦿

Sabihin pa, tampok sa kuwento ang papel ng kahirapan bilang siyang pangunahing kondisyon na balakid din sa buhay ng isang tao. Damang-dama ito sa handang-handang pakikipagbasagan ng mukha ni Gilda para sa bawat piso’t piseta. Nang magsama sila ni Tulume papunta sa Antipolo, wala silang baon kundi abilidad nang magpasalin-salin sila sa bus.

⦿

Kamangha-mangha talaga ang hindi pagiging masinop sa mga detalye ng komiks. Ipinakilala sa unang labas ang lola ni Gilda bilang Tandang Sepa pero sa ikalimang labas pa lang, matapos umilandang ng lalaking sinuntok ni Gilda, sinabi niyang siya’y apo ni “Tandang Tomasa ng Bangkusay.” Nang pumunta sina Tulume at Gilda (bilang Tenorio) sa Antipolo ay para dapat makita si Don Esteban, subalit pagdating nila roon ay naging si Don Roman ang suki ni Tulume.

(Itutuloy)

Malinaw na tungkol sa kasarian, partikular sa pagkababae, ang nobela, at ang mga inaasahang paraan ng pagkilos at kakayahan mula sa kanila. Kaya naman, mahalagang sinimulan sa pagbibihis-lalaki ni Gilda ang nobela upang agad na maitampok ang paglabag niya sa inaasahan ng lipunan sa kaniya.

MGA NILALAMAN HUNYO 2023

tl-ph

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

2023-06-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/282029036611766

Manila Bulletin Publishing Corp