Manila Bulletin

Paglalakbay sa Liwayway

Perry C. Mangilaya

PAA nga ba ako nagsimula sa Liwayway? Nasa probinsiya pa lang ako sa Aklan ay pinangarap ko nang maging isang manunulat sa komiks. Paano’y malaki ang paghanga ko sa aking kapatid na isang manunulat sa komiks. Mula kasi nang mabasa ko ang kanyang pangalan sa komiks, hinangad ko rin na balang-araw, mababasa rin ang aking pangalan.

Nasa Maynila na ako nang matupad ang pangarap na iyon. Pero hindi sa komiks, kundi sa Liwayway. Udyok na rin iyon ng isa ko pang kapatid na noo’y isa nang kontribyutor sa Liwayway. Dahil malaki ang kanyang paniniwala na may kakayahan din ako sa pagsusulat.

Sa una, nagdalawang isip ako dahil napakataas ng tingin ko sa Liwayway. Dagdag pang alam kong salat pa ang aking kaalaman sa pagsusulat. Kaya nagbasa muna ako nang nagbasa ng mga akda nina Edgar Reyes, Ben Pascual, Ben Juan, Ben Ramos, Pelagio Cruz, Pedro Ricarte, at napakarami pang manunulat ng Liwayway. Hanggang sa unti-unti, nagkaroon ako ng lakas na sumubok.

Bukod sa aking mga kapatid, ang mga manunulat sa Liwayway ang nagbigay sa akin ng inspirasyon at impluwensiya para tuparin ang aking pangarap. At hindi naman ako nabigo dahil pagkatapos ng maraming beses na mga rejection, nasilayan ko ang aking pangalan sa Liwayway hanggang sa hirangin akong maging kasapi ng patnugutan nito.

Masasabi kong bahagi na ng aking buhay ang Liwayway. Kaya naman isang napakalaking karangalan sa akin ang hiranging bagong patnugot ng bagong bihis na Liwayway. Bagama’t hindi na rin naman ‘bago’ sa akin ang mamatnugot ng Liwayway. Dahil bago pa man magkapandemya, pinamatnugutan ko rin ang lumang Liwayway hanggang sa pansamantalang natigil ang paglabas nito dahil sa pandemya. Pero pagkatapos ng pandemya, muling nagbalik sa sirkulasyon ang Liwayway, ngunit sa bago na nitong bihis. Bagong format, sa pisikal na anyo at sa mga nilalaman nito. Mas pinasiksik. Mas pinalakas dahil sa pagkakaroon nito ng iba’t ibang social media na plataporma tulad ng website na liwayway.ph, Tiktok, Podcast, Instagram at iba pa.

Sa puntong ito, nais kong ipaabot ang aking pasasalamat sa management ng Manila Bulletin sa tiwalang ipinagkaloob sa akin. Gayundin kay Sir Johannes L. Chua, ang naging patnugot ng bagong bihis na Liwayway sa panahon ng pandemya. Ipinagpasalamat ko rin ang mga natutuhan ko sa kanya kung paano ilapit sa mga bagong henerasyon ang Liwayway.

Malaking hamon sa Liwayway ang paglaganap ng mga social media. Halos karamihan ay nabaling na ang atensiyon sa mga ito. Ngunit naniniwala akong iba pa rin ang naidudulot ng pagbabasa. Sa pagbabasa lumilikha tayo ng sarili nating mundo. Sa pagbabasa rin lumalawak ang ating imahinasyon.

Samahan ninyo ako, katuwang ang aking mga kasama sa patnugutan sa pag-ugit ng bagong Liwayway. At nawa’y patuloy pa rin ninyo itong tangkilikin at suportahan.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281629604851513

Manila Bulletin Publishing Corp