Manila Bulletin

Sumpa

Mellodine A. Antonio

GANOON pala iyon. Sabi niya dati, ‘pag ginawa sa ‘kaniya iyon, huwag na huwag na itong matutulog sa tabi niya kundi, putol ang pinagmamalaki nito. Pero ngayon, heto, sa harapan niya. Nangyari pala. Nangyayari pala.

Mangyayari pa sana kung hindi niya lang nakita ang pira-pirasong ebidensiya. Kinutuban siya.

Babae, e.

Kakaiba iyong kaba. Pakalat-kalat lang naman kasi ang cellphone. Parang nag-iimbita. Dinampot niya nang humudyat na lowbat. Isasaksak niya lang sana para kargahan ng baterya kung bakit nakialam ang mga daliri niya na di naman parating ganoon. Nabuksan niya ang pattern.

Umilaw.

Nakita niya ang laman.

Binuksan niya ang isa.

Nanlaki ang mga mata niya.

Parang binuhusan ng yelo ang kaluluwa niya. Hindi siya nasorpresa.

Nagitla siya.

Nagulumihanan.

Nanlamig.

Saka mabilis na umakyat ang dugo sa ulo niya.

Ginising niya ito sa pagkakahimbing. Naalimpungatan.

Nagalit.

Paasik na nagsabing papatayin niya raw ito sa gulat sa ginawa niya.

Sabi ng isip niya: Mamamatay ka talaga kapag di mo inayos ‘to!

Inisa-isa niya ang detalye ng mga nabasa niya.

Ni-recite niya ang mga pangalan. Ibinagsak niya ang pamatay.

Iniitsa niya ang cellphone sa harap nito. Gitlang-gitla ito.

Daig ang ibinabad sa suka sa mabilis na pamumutla.

Nakita niyang nangunot ang noo nito’t kumibot-kibot ang sulok ng bibig.

Tinangkang magsalita. Walang lumabas sa bibig nito ni isang kataga. Nagpupuyos ang kalooban niya.

Alam niyang namumula pati ang mga mata niya.

“Sige, ipaliwanag mo!” Hindi iyon simpleng utos. Naroon ang matigas na paghamon para pangatwiranan nito ang mga nakita niya. Para isa-isahin, kung kaya nito, ang mga katwirang dapat katanggaptanggap para sa kaniya – sa kanila – sa estado nila!

Yumuko ito tanda ng pagsuko.

Sukol na sukol na ito.

“Tiyakin mo lang na tama ang mga sasabihin mo!”

“Sorry… S-sorry…

Mali ako. Nagkamali ako…” mahinang-mahina iyon. Hindi bagay dito. Sanay siya na paasik ito parati. Hindi takot magpaliwanag. Mayabang sa paghahalayhay ng mga punto nito. Parating ito ang panalo sa mga argumento. Dito ang pinakamalakas na boses. Ang pinakamariing mga bitaw ng mga salita.

Pero hindi ngayon.

Kaiba ngayon.

Pati mata nito, may hudyat ng pagsuko. Wala ang tikas.

“W-wala akong m-maikakatwiran.” Nagangat ito ng tingin. Namumula ang mga mata. Namamasa. Nagbabadya ng luha. “Mali ako. Maling-mali ako.” Sinsero ang pag-amin. Ni hindi nagtangkang mangatwiran.

“Demonyo ka! Mga demonyo kayo! Ang hahayup ninyo!” Mahina iyon kaysa sigaw. Mas panaghoy. Iyong sakit na galing sa kaibuturan ng pagkatao. Dama ng buong kaluluwa. Basag ang disposisyon niya. Durog na durog siya bilang babae.

Humagulhol siya.

Sapo ng dalawang palad ang mukha. Buhol-buhol ang sinasabi niya. Nagagalit siya.

Namumuhi.

Nandidiri.

Pero naaawa rin siya sa sarili.

Habag na habag.

Ginawa naman niya lahat.

Hindi niya tinularan ang ibang babae na napakahigpit sa asawa. Maluwag siya sa mga alituntunin nila bilang mag-asawa.

Malaya ito sa oras.

Wala siyang ‘bawal’. Katwiran niya, mabuti itong tao. Mahal siya. Mahal sila ng anak niya. Matino itong tao. Matinong lalaki. Mabuting asawa. Mabuting ama.

“Bakit…?” nanlalambot niyang tanong. “Bakit…” litong-lito siya. Gulong-gulo. Ni sa hinagap, di niya ito nakita. Di inakala. “Akala ko, maayos tayo.” Suminghot siya. “Ano ang kulang ko? Saan ako nagkamali? Saan ako nagkulang?” Punong-puno iyon ng pait. Damang-dama ang matinding hinanakit.

“Wala! Wala kang pagkukulang. Ako. Ako ang gago! Ako ang nagkulang! Ako ang naging mahina!”

Niyakap siya nito.

Pumalag siya.

Sa bawat dantay ng kamay sa balat niya, inaalis niya.

Bawat pagtatangkang ikulong siya sa bisig nito, pumipiksi siya.

Umiigtad.

“Sorry. Sorry. Sorry. Mali ako. Maling-mali ako.” Matapat. Sinsero. Mababang-mababang sabi nito. “Patawarin mo ‘ko. Please…” “Maghiwalay tayo!”

Nakita niya ang pait na rumehistro sa mukha nito. Kagyat na namula ang mga mata. Nagbadya ng pagbagsak ng luha.

“Iyon ba’ng gusto mo?” mahinang tanong. Halos ayaw lumabas sa bibig. Tutol ang loob.

“Iyon ang usapan natin noon pa,” paalala niya. “Kapag may nanggago, maghihiwalay tayo. Nanggago ka, maghiwalay tayo!”

Kumilos ito.

Lumapit sa kaniya.

Ginawa naman niya lahat. Hindi niya tinularan ang ibang babae na napakahigpit sa asawa. Maluwag siya sa mga alituntunin nila bilang magasawa. Malaya ito sa oras.

Hinapit siya.

Mahigpit na mahigpit na yakap. Pinakamahigpit na nagawa nito sa kaniya sa ilang taon nilang pagsasama.

“Huwag!” pakiusap nito. “Huwag mo ‘kong iwan.” Humahagulgol ito. “Huwag mo ‘kong hiwalayan.”

Nagtatagis ang mga ngipin niya. Nasasaktan siya.

Nandidiri.

Naaawa sa sarili.

“Huwag mo ‘kong iwan. Please… Huwag mo ‘kong hiwalayan. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala kayo sa ‘king mag-ina.”

“Pero kaya mo ‘kong lokohin? Kaya mo ‘kong gaguhin? Kaya mo ‘kong pagtaksilan?”

“Mali ako! Maling-maling ako! Sorry! Sorry talaga.” May kasama iyong hikbi. Malakas ang pagsigok. Hindi nahiyang ipakita ang sargong luha at sipon.

First time lahat iyon.

Unang pagkakataong nakita niyang ganoon ito. Umamin ng kahinaan.

Tinanggap ang kamalian.

Inako ang kasalanan.

Hindi nangatwiran.

“Lahat ng parusa tatanggapin ko, huwag mo lang hiwalayan ‘ko,” buong pagpapakumbabang sabi nito. “Ayoko…”

“Bakit, ako ba tinanong mo kung gusto kong lokohin mo ‘ko? Nagtanong ka ba kung ayos lang sa ‘king gaguhin mo ‘ko?”

Umiling ito. Sunod-sunod. “Please…Please… Huwag mo ‘kong iwan. Huwag mo ‘kong hiwalayan. Hindi ko kaya.”

“Pero kaya mo ‘kong gaguhin? Kaya mo ‘kong lokohin? Kaya mong magmahal ng iba bukod sa ‘kin?”

Tiningnan siya nito. “Walang pagmamahal na sangkot do’n. Wala akong ibang minahal. Ikaw lang.”

Kumunot ang noo niya. “Walang pagmamahal? Ano ‘yon, tawag lang ng laman? Init lang ng katawan?”

Hiyang-hiya ito sa sarili nang tumango.

“A matter of availability,” pagtatapat nito. “Availability na kayang sumira sa pamilyang

Madaling bumitiw sa pagsasama. Madaling umalis o magpalayas kaya. Madaling alagaan ang galit. Madaling ikatwirang mahirap magpatawad dahil masakit na masakit ang pagtaksilan. Pero ganoon yata ang pagibig. Sabi nga, magmahal kahit nasasaktan. Magmahal hanggang di na nasasaktan.

mayroon tayo?”

Namagitan sa kanila ang matagal na katahimikan.

Walang gustong kumibo.

Hindi nito inaalis ang isang brasong nakayakap sa kaniyang beywang at ang isa sa itaas na bahagi ng kaniyang dibdib.

Dinig nila ang hininga ng bawat isa.

Dinig ang pamaya-mayang pagsinghot. Mahapdi na ang kaniyang mga mata. Mainit ang mga luhang bagaman patuloy na pumapatak ay mas madalang na ang bagsak kaysa kanina. Humihikbi pa rin siya. Sumisigok pa rin ito. Pilit niyang kinakapa ang damdamin. Galit siya, oo. Nasaktan siya, totoo.

Pero bakit ganoon? Bakit di iyon sapat para itulak niya ito palabas o sampalin kaya? Bakit hindi magawa ang sinasabi niya noong gagawin niya sakaling mangyari ang ganito?

Bakit di niya magawang iigkas ang kamao o isampal nang malakas ang palad niya sa pisngi nito?

Bakit di niya kayang halihawin ng basong naroon lamang malapit sa kanilang dalawa?

Bakit di niya magawang kumuha ng gunting, kutsilyo o anumang matalas na maaari niyang ipamutol sa ‘ano’ nito tulad ng madalas niyang sabihin noon sa kahit na sino kapag nangyari sa kanila ang ganito?

“Akala ko di ito mangyayari sa atin?” mapait niyang bitaw. “Akala ko, iba tayo kaysa iba.” Puno iyon ng kabiguan. “Hindi rin pala.” Naroon ang matinding pagdaramdam. May kirot na nagmumula sa kung saan.

“Sorry. Kasalanan ko,” mahina, tapat na pag-amin nito. “Gago ako! Mali ako! Isa lang ang hiling ko, huwag mo ‘kong hiwalayan. Parang awa mo na.” Dama niya ang sinseridad nito. Tumagilid siya.

Nangangatal ang bawat himaymay ng laman niya. Humugot siya ng hangin sa baga.

“Give me another chance. Kahit na one last chance. I’ll make it up to you. Sa pamilya natin. Itatama ko ang mga mali. Hinding-hindi na ‘ko uulit.”

Aaminin niyang nababaghan siya pero

nasasaktan pa rin siya. Di niya maintindihan kung bakit. Saan ang kulang? Ano ang mali para magkaganoon ang relasyon nila?

“Madaling sumira kaysa bumuo,” tila pagod na pagod na sagot niya.

Kinabig siya nito. Pilit siyang iniharap. Nakita niya ang itsura ng lalaking talunan. “Alam mo bang ayoko ng disposable?” Tumango ito.

Madalas niya iyong sabihin kapag kakain sila. Ang gusto niya, totoong pinggan. Iyong babasagin. Pati baso, ganoon din. Iyong mga kubyertos, ayaw niya ng plastik. May kakaiba kasing lasa sa dila. Madali ring mabali.

May kislap ng luha ang mga mata nila kapuwa. Namumula ang matangos nitong ilong.

May sipon na tila ayaw ding tumigil sa pagtulo. “K-Kung sa gamit a-ayoko ng disposable, what more sa r-relasyon?” Mahina. Madalang. Matapat niyang tugon.

Muling kumislap ang mga mata nito. Sa pagkakataon iyon, nakabanaag at nakadama ng pag-asa.

“Madaling sirain lalo ang nasira ngayon pero subukin nating ayusin, hanggang sa kaya natin.” Hindi rin niya alam kung saan iyon nanggaling basta kusang lumabas sa bibig niya. Walang tutol ang isip sa idinidikta ng puso niya.

Mainit ang paghapit nito.

Lalong humigpit ang yakap nito.

Mabilis na nabasa ang dibdib niya ng mainit nitong mga luha.

Pinupog siya ng maliliit na halik sa buong mukha.

“S-Salamat! Salamat! Pangako –” Pinutol niya ang sasabihin nito. “Ayoko ng pangako. Sapat na ‘yong pangako natin sa altar sa araw ng kasal. Iyon na lang ang tuparin natin. Iyon na lang ang panindigan natin.” Sunod-sunod ang tango nito. Nakangiti ang kanina lamang ay tuliro, aburido’t talunang mga mata.

Halos ibaon sa kaniyang dibdib ang mukha nitong hiyang-hiya sa ginawang pagkakasala.

“Mahal kita!” madamdaming bigkas nito. “Mahal na mahal kita. Mahal na mahal ko kayo ng anak natin. Wala akong ibang minahal, ikaw lang. Mali ako. Maling-mali ako. Samahan mo ‘ko. Alalayan mo ‘kong makabangon mula rito.” Tumango siya.

“Huwag mong asahang magiging maayos agad. Hindi ko alam kung ganito parati ang pakiramdam. Baka may mga araw na mas masakit. Baka may mga pagkakataong, susumbatan kita, aawayin, tatanungin nang paulit-ulit.” Sinalubong niya ang mga mata nito. “Aalalayan mo rin ako. Hindi gano’n kadaling lumimot. Pero pipilitin kong umunawa. Pipilitin kong kapain parati sa puso ang pagmamahal kaysa galit. Pero alam kong may mga pagkakataong, huhulagpos ang sakit. Kapag gano’n, uunawain mo ‘ko dahil ikaw ang puno’t dulo nito. Hindi mo ‘ko sasabayan dahil alam mo ang pinanggalingan ng gano’ng pakiramdam.” Tumango ito tanda ng pagsang-ayon. “Pero makikiusap din ako,” madamdaming bigkas nito. “Kung kaya nating huwag nang balikan. Huwag nang pag-usapan. Huwag nang ukilkilin.” Idinikit nito ang noo sa kaniyang noo. “Pero kung hindi naman, tatanggapin ko. Mali ako. Maling-mali ako. Handa akong maghintay hanggang maibalik nang paunti-unti ang tiwala mong piningasan – sinira ng kagaguhan ko!” Kinabig siya nito.

Ikinulong sa mga bisig.

“Salamat. Salamat. Salamat…” May kasama iyong luha, hikbi, sigok, at singhot. “Babawi ako. Babawi ako…”

Sinagot niya ang yakap ng asawa. Bumagsak din ang mga luha niya.

Mas masagana kaysa mga nauna. Madaling bumitiw sa pagsasama. Madaling umalis o magpalayas kaya. Madaling alagaan ang galit. Madaling ikatwirang mahirap magpatawad dahil masakit na masakit ang pagtaksilan.

Pero ganoon yata ang pag-ibig. Sabi nga, magmahal kahit nasasaktan. Magmahal hanggang di na nasasaktan.

Tinitigan niya ang asawa.

Iyon pa rin naman ang itsura nito.

May natuklasan lang siyang di niya inakala. May lihim pa pala ito.

May di pa pala siya alam sa pagkatao nito. Pero handa siyang tanggapin ang kalakasan at kahinaan nito. Handa niyang mahalin ito hindi lamang sa mga panahong masarap, magaan, at madali ito mahalin kundi lalo’t higit sa mga araw na napakahirap nitong mahalin.

Tulad ngayon.

Dahil iyon ang sinumpaan nila sa altar. Hindi lang basta pangako.

Hindi lamang sa pagitan nila o ng mga pamilya nila, kundi higit, sa Lumikha sa kanila.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281917367660345

Manila Bulletin Publishing Corp