Manila Bulletin

Pananalig (3)

Perry C. Mangilaya

Naisip niya, may naitulong nga ang paglitaw ng imaheng iyon sa mga tao. Dahil sa gitna ng kawalan ng pag-asa at pagsubok, tanging sa himala na lang kumakapit ang mga ito. Na kahit paano, sa kabila ng kawalan ng maaasahan at masasandalan, nakasilip ang mga ito ng paghuhugutan at pag-asa.

(Huling Bahagi)

NAKARATING sa kanilang kura paroko ang balitang iyon sa kanilang barangay nang sumunod pang mga araw. Agad din itong nagpunta sa kanilang kapilya. Pero sa halip na magdaos ng misa, nagbigay lang ng paalala at babala ang pari sa mga tao na huwag basta-basta maniniwala sa mga ganoong bagay. Kailangan pa munang suriin ito. Magkaroon nang malalim na imbestigasyon. Kailangan may patunay kung ito ba ay instrumento ng Diyos para makapagbigay ng himala sa mga tao. At kung makapaghihimala man, huwag din basta-bastang maniniwala na ang lahat ng himala ay galing sa Diyos. Maging ang demonyo, kayang gumawa ng himala para lang linlangin at iligaw ang mga tao. Kaya maging mapanuri, huwag palilinlang at ibayong pagiingat ang kailangan, giit pa ng pari. At huwag magsawang magdasal. Dahil sa pagdarasal lamang masusumpungan ang tunay na himala. Ngunit hindi nasupil ng pangaral at babala ng pari ang paniniwala ng mga tao, lalo na ng kanyang asawa. Matibay at buo pa rin ang paniniwala ng mga ito na gawa iyon ng Diyos para magsilbing instrumento upang paghimalaan ang mga taong nananampalataya sa Kanya. “Pambihira namang pari ‘yon, hindi naniniwala sa himala?” narinig niyang hinaing ng isang matanda pagkatapos umalis ng pari.

“Ang sabi naman, maging mapanuri daw tayo,” giit naman ng isa.

“Kelangan pa bang suriin ‘yon, e, kitang-kita, imahe ‘yon ni Kristo,” singit naman ng isa.

“Basta ako, naniniwala akong magdadala ng himala ang imaheng ‘yon,” sabad naman ng isa. “Ako rin naman,” ayon naman ng isa. Hanggang sa nagsasalimbayan ang mga nagkakaisang tinig na magdadala ng himala at pagpapala ang imaheng iyon.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng balitang iyon sa buong bayan nila, lalong dumami ang dumarayo sa kanilang kapilya mula pa sa iba’t ibang mga barangay. May ilan pang nakasaklay ang dumarayo roon, may binubuhat, akayakay, naka-wheelchair, may inuubo, may mga bukol, mga payat at naninilaw ang mga mata, na karamihan ay pawang matatanda na. May narinig pa siyang sa halip na dalhin sa ospital, sa kapilya sa kanilang barangay dinala. Anupa’t hindi nawawalan ng mga tao ang kanilang kapilya sa pag-asang makasumpong ng kagalingan.

Pero ang isang bagay na nakatulong sa kanyang mga kabarangay, nagkaroon ng pagkikitaan ang iba. Mga tagaroon na nagtitinda ng kandila at puting panyo sa harap ng kapilya. Kung naghahatid nga ng himala ang imaheng iyon, bahagi nga ba iyon ng isang himala, ang biglang pagkakaroon ng pagkikitaan ang kanyang mga kabarangay? ang mga katanungang gumugulo sa isip ni Badong.

Pero ang isa pa at higit na gumugulo kay Badong, hindi siya nilubayan ng pagkabagabag. Mga gabing hindi siya pinatatahimik sa kanyang pagtulog. Matagal na kasi siyang nagtatrabaho sa konstruksiyon bilang mason, at karaniwan nang may lumilitaw o nabubuo ng kung anong hugis sa pader kapag napapalitadahan ito. Kahit sa flooring, kadalasang tila may lumilitaw o nagmamarkang imahe. Mga imahe ng santo o

santa. Minsa’y tila nakakatakot na mukha, may hugis na hindi mawaring hayop o ibon. Normal na nangyayari lamang iyon, at hindi dapat bigyan ng anumang kahulugan. At lalong hindi dapat sinasamba. Marami na siyang nasaksihan na ganoon, kahit sa mismong sarili niyang gawa, tulad nga ng nangyari sa kanilang kapilya. Ano’t biglang sinamba iyon ng mga tao? “Iniisip mo na naman ang imahe?” paninita ng kanyang asawa isang gabing napansin nitong pabilingbiling siya. Hindi siya kumibo. “Kung naniniwala ka kasi, hindi ka babagabagin,” dagdag pa nito. “Tingnan mo, dahil hindi ka naniniwala, hindi matatahimik ang loob mo.”

Nananatili siyang walang kibo. Sa ilang taon na nilang mag-asawa, kabisadong-kabisado na siya ng kanyang asawa. Kung kailan siya may problema. Kung kailan may gumugulo sa kanyang isip. Hindi niya mapapasinungalingan ito.

“Hindi pa ba himala ang bigyan ang mga tao ng kapanatagan ng loob, at magkaroon sila masasandalan sa kabila ng mga problema?” patuloy nito.

Napaisip si Badong. Aminado siyang may punto ang kanyang asawa.

Alam ni Badong na wala siyang kakayahang pigilin ang mga tao na huwag maniwala sa himala. Malamang na pagsasabihan lang siya, na kung hindi siya naniniwalang gawa iyon ng Diyos para paalalahanan ang mga taong nakakalimot na sa Kanya, at para magbigay-himala, huwag na niyang sagkaan at sirain ang paniniwala ng mga ito. Kaya minabuti niyang huwag nang pakialaman ang pananalig ng mga tao.

Tuwi-tuwina rin, hindi nananawa ang kanyang asawa sa pag-aanyaya sa kanya. Pero kahit anong pilit at pakiusap nito, kahit anong panunumbat, hindi na siya bumalik sa kapilya.

“Ito na ang pagkakataon para gumaling ka, Badong,” patuloy na iginigiit nito. “Dahil bukod sa ikaw ang nagpalitada sa pader na ‘yon, ikaw rin pala ang unang pinakitaan ng imaheng ‘yon ni Kristo. Kung iisiping mabuti, mapalad ka.”

Kunot-noo siyang napatingin sa asawa.

“Manalig ka, Badong, paghihimalaan ka ng imaheng ‘yon. Tingnan mo ako, maginhawa na ang pakiramdam ko. Baka bukas o makalawa, mawawala na ang hika ko.”

“Gagaling naman ako kahit hindi lumitaw ang imaheng ‘yon,” giit niya.

“Ayan ka na naman,” may sumbat sa tinig nito. “Umiral na naman ang katigasan mo. Mabuti pa si Uroy, kahit sinto-sinto, naniniwala.”

Sa kabila ng pagtanggi ni Badong, hindi pa rin sumusuko ang kanyang asawa sa panghihikayat sa kanya na sumama rito sa pagnonobena nito sa kapilya. Kailangan niyang magsakripisyo kung gusto niyang gumaling. Iwaksi ang mga pagdududa.

“At ano’ng dinadasal niya, gagaling siya,” aniya. “Paghihimalaan na titino na siya? Alam ba niya na sinto-sinto siya?”

“Pilosopo ka kasi kaya ganyan ang mga katwiran mo,” anito at umingos sa kanya.

“’Yan ang problema sa ‘yo, kapag hindi umayon sa paniniwala mo ang paniniwala ko, sasabihin mong pilosopo ako,” giit niya.

Hindi siya tinugon ng kanyang asawa. Masama ang mukhang tinapunan siya ng tingin.

“E, kung ‘yong mismong pari nga, hindi naniniwala na isang himala ‘yon,” patuloy niya.

“Hindi pa ba himala na gumagaling ang me mga sakit?”

“Ipagpalagay nga daw natin na gumaling, pero magiingat pa rin tayo dahil baka hindi sa Diyos ‘yan.”

“Malinaw naman na imahe ni Kristo ang lumitaw, at hindi ng kung ano-ano. Masama kung imahe ng demonyo tapos sinasamba pa rin ng mga tao.”

Napapailing na lamang si Badong sa hindi maubos-ubos na katwiran ng kanyang asawa.

Dahil sa naging bukambibig na nga ang balitang iyon, binisita ito ng kanilang municipal engineer upang masuri. Pero paliwanag nito, normal lang iyon. Ayon pa sa engineer, karaniwan nang nangyayari iyon kapag napapalitadahan ang pader dahil sa tubig. May nabubuong hugis kapag natuyo. Nagkakaroon ng tila hugis hayop o anumang bagay. May hugis tao. May nabubuong tila nakakatakot na nilalang. Marami nang kaso ang ganoon, kahit sa flooring, na kung ano-anong tila lumilitaw na imahe. Sadyang malikot lang daw kasi ang imahinasyon ng mga tao.

Ngunit walang naniwala sa engineer. Bagkus nagalit pa ang mga tao sa mga paliwanag nito. Na ayon sa mga ito, sinisira lang ng engineer ang kanilang pananampalataya, paniniwala, at pananalig.

“Ano bang alam sa himala ng engineer na ‘yon?” narinig pa niyang daing ng isang matandang lalaki na manaka-nakang dinadalahit ng ubo.

“Oo nga,” susog naman ng katabi nitong may edad na ring lalaking payat. “’Yon ang problema sa mga me pinag-aralan, hindi naniniwala sa himala.”

“Tama ka,” ayon naman ng isa. “Mas pinaniniwalaan kasi nila ang kanilang pinagaralan.”

Maging ang kanyang asawa, nang ipaliwanag niya rito ang lahat, na sinasang-ayunan din niya at tama ang paliwanag ng engineer, nainis pa sa kanya.

“Palibhasa kasi, pare-pareho kayong kulang sa pananampalataya,” giit nito.

“Ibig mong sabihin, pati ang pari, kulang din sa pananampalataya?”

“E, ano pa bang patunay ang gusto nila?” matigas na tanong ng kanyang asawa. Hindi siya kumibo.

“At anong gusto nilang palabasin, na nagsisinungaling ang mga gumaling sa sakit?” patuloy ng kanyang asawa. “Hindi ba dapat ipagpasalamat na lang natin dahil nakakatulong sa mga tao, lalo na ‘yong mga walang pampagamot o pampaospital?”

Nananatiling siyang walang kibo.

“At isa pa, wala namang mawawala kung maniniwala ang tao na nakapaghihimala ang lumitaw na imaheng ‘yon,” anito. “Lalo nga lang tumatatag ang kanilang pananalig. Mas parati na silang nagdarasal.”

Tuluyang hindi na niya tinugon ang kanyang asawa. Lalo pa’t alam niyang hindi ito patatalo. Gayon kahigpit ang pananalig ng kanyang asawa sa himala. Na kahit mismong payo ng pari, ayaw nitong pakinggan.

Pero naisip din niya, may naitulong nga ang paglitaw ng imaheng iyon sa mga tao. Dahil sa gitna ng kawalan ng pag-asa at pagsubok, tanging sa himala na lang kumakapit ang mga ito. Na kahit paano, sa kabila ng kawalan ng maaasahan at masasandalan, nakasilip ang mga ito ng paghuhugutan at pag-asa.

Lalo pang dinarayo ang kanilang kapilya nang sumunod na mga araw. Kaya naman halos tuwing takipsilim, naroon din ang kanyang asawa. At sa tuwing umuuwi ito, laging may dalang panyo

at ipinapahid sa kanyang likuran. Pero wala pa ring nangyayari sa kanyang sakit. Pinahihirapan pa rin siya. Pakiramdam pa niya, lalong lumalala.

“Hindi kasi buo ang pananalig mo,” nasa tinig ng kanyang asawa ang panunumbat. “Kahit naman anong gawin kong hingi ng himala, kung ikaw mismo ay hindi naniniwala, talagang hindi ka gagaling.”

“Buo ang pananalig ko kaya gagaling ako,” giit niya.

“O, gumaling ka nga?”

Nilinga lang niya ang kanyang asawa. “Hindi mo ba nababalitaan, marami nang gumaling dahil napaghimalaan ng lumitaw na imaheng ‘yon,” anito. “Meron nga raw, nawala ang pananakit ng balakang.”

Nananatili siyang walang kibo.

“Meron ding nagpatotoo, nawala ang highblood,” patuloy nito. “‘Yong iba naman, lumakas daw ang katawan.”

Napaisip siya.

“At ako mismo,” patuloy pa ng kanyang asawa. “Napansin mo bang inaatake ako ng hika? Hindi na, di ba? At pakiramdam ko, maginhawa na ang pakiramdam ko.”

Hindi na nga inaatake ng hika ang kanyang asawa. Hindi tulad ng mga nakaraang araw, madalas itong atakehin.

Ngunit dahil nga kaya iyon sa lumitaw na imahe ni Kristo? naisaloob niya.

“Kung nananalig ka kasi, e, di sana, magaling ka na ngayon,” patuloy na sumbat ng kanyang asawa. “Tingnan mo, lalo nang lumalala ‘yang ubo mo kahit na anong inom mo ng gamot.”

“Gagaling ako,” giit niya, hindi nakatingin sa asawa. “Kaya lang siguro hindi bumubuti ang pakiramdam ko, dahil pumapalya ako sa paginom ng gamot.”

Dala ng kakapusan, mas inuuna pa ni Badong ang pangangailangan ng kanyang pamilya, lalo na ang pag-aaral ng kanyang mga anak kaysa sa pambili niya ng gamot.

“Pero sana kahit paano, bumuti ang ‘yong pakiramdam dahil nakakainom ka naman. Pero lalo lang lumalala, e.”

“Kung magpatingin kaya ako sa ibang doktor?”

“Hindi pa rin tayo nakakasiguro na mapapagaling ka,” giit nito. “E, di ba, dalawang doktor na nga ang pinagtsek-apan natin? Wala pa ring nangyayari. Parang hindi umeepekto ang gamot na nirereseta sa ‘yo.”

“Baka kailangan siguro sa private na ospital tayo pumunta, magagaling ang mga doktor do’n?” pasubali niya.

“Pareho lang ‘yon, iisa lang naman ang pinag-aralan nila. At isa pa, bakit maghahanap ka pa ng doktor, e, and’yan na nga ang lumitaw na imahe.”

Hindi siya kumibo.

“Ayan, kusang lumalapit na sa ‘yo ang himala para gumaling ka, tinatanggihan mo naman?” patuloy nito.

Sa kabila ng pagtanggi ni Badong, hindi pa rin sumusuko ang kanyang asawa sa panghihikayat sa kanya na sumama rito sa pagnonobena nito sa kapilya. Kailangan niyang magsakripisyo kung gusto niyang gumaling. Iwaksi ang mga pagdududa. Alisin ang kanyang mga agam-agam. Dahil ang pagkakaroon ng agam-agam ay palatandaan na hindi buo ang pananalig sa Diyos. Nakakasumpong lamang ng himala ang isang tao kapag matibay at wagas ang kanyang pananalig.

Patuloy na dumarami ang nababalitaan niyang gumaling sa mga karamdaman, hindi lang sa kanilang barangay, kundi maging sa ibang mga barangay. Naligalig siya sa mga pangyayaring iyon.

Pero paano ba siya mananalig na nakapaghihimala ang imaheng iyon? Gayong lumitaw lang naman iyon mula nang palitadahan niya ang pader na iyon. Tiyak niya sa sarili, buo ang pananalig niya sa Diyos kahit sabihin man hindi siya palasimba. Pero labag sa kanyang kalooban na sumamba sa imaheng iyon na sa tingin niya, nagkataon lang na lumitaw iyon, batay sa mga naging karanasan niya bilang mason. Walang katuturan na bigyan pa iyon ng kahulugan.

Ngunit patuloy na dumarami ang nababalitaan niyang gumaling sa mga karamdaman, hindi lang sa kanilang barangay, kundi maging sa ibang mga barangay. Naligalig siya sa mga pangyayaring iyon. Naisip niya, hindi naman siguro magsisinungaling ang marami kung totoong gumaling nga. Wala namang dahilan para gumawa ang mga ito ng walang katuturang kuwento. Hindi rin naman siguro dadayain ng mga ito ang kanikanilang sarili.

Habang patuloy siyang nililiglig ng mga nababalitaang pagdami ng mga gumaling, patuloy rin naman siyang sinasalakay ng pangamba dahil sa kanyang lumalalang ubo. Dagdag pa ang mga alalahaning hindi siya makapagtrabaho nang maayos. Pinipilit na lang niya kahit hirap. Pero nitong mga huling araw, nagpasiya siyang gusto na muna niyang magpahinga.

“Subukan mong sumama sa asawa mo,” payo sa kanya ng karangay niyang si Gido, at kasama niya sa konstruksiyon nang sadyain niya ito sa bahay nito para bilinang hindi na muna siya makakasama sa project nila. “Wala namang mawawala sa ‘yo. Manalig ka lang.” Nanatili siyang nakamata rito. “Tingnan mo ako, maayos na ang pag-ihi ko, hindi na masakit kapag umiihi ako,” patuloy nito. “Kung iniasa ko lang sa mga gamot na inireseta ng doktor, baka lalo lang lumala. Aba, e, matagal na akong naggagamot, hindi bumubuti ang pakiramdam ko.”

“Dahil nga kaya sa imaheng ‘yon?”

“Oo,” tiwalang turan nito. “Dahil do’n lang naman nagsimula mula nang lumitaw ‘yon.”

Napaisip siya, tinitimbang ang salaysay ng kanyang kapitbahay.

“Di ba, ikaw, naggagamot din?”

“Oo,” tango niya.

“O, bumuti naman ang pakiramdam mo?” “Hindi nga,” iling niya. “Gusto ko na ngang tigilan na, wala namang nangyayari. Ke mahalmahal pa namang mga gamot.”

“Kung gano’n, bakit hindi mo isuko sa imahe ang sakit mo?” patuloy nito. “Kahit si Diday nga,” dagdag nito na tinutukoy ang asawa. “Laging dinadaing no’n, sumasakit ng tiyan, pero ayun, hindi na dumadaing. Ang dami nang nagpapatotoong gumaling sa sakit. Hindi pa ba patunay na ginawang instrumento ng Diyos ang imaheng ‘yon para bigyang himala ang mga tao?”

Wala pa ring maapuhap na tugon si Badong.

“Kahit si Pareng Ramon,” patuloy ni Gido na tinutukoy ang kumpare nila at kasama rin sa konstruksiyon. “Di ba, matagal nang me problema sa prostate ‘yon? Ayun, bumuti na raw ang pakiramdam mula nang manalig sa imaheng ‘yon.”

“Oo nga pala, dadaanan ko rin pala si Pareng Ramon, ibibilin ko lang sa kanya ang hindi ko natapos na ginawa,” paiwas niyang usapan. “Sige, P’re.”

“Sige,” tango nito. “Pero sana, subukan mong maniwala.”

Sinulyapan lang niya ang kanyang kumpare bago lumakad.

Marahil sa hindi inaasahan, tila nagulat pa ang kanyang kumpareng Ramon nang datnan niya ito sa bahay. Mula sa pagkakaupo sa may balkonahe habang nagpapahinga, tumayo ito at sinalubong siya.

“Pareng Badong,” bati nito. “Napadaan lang ako, hindi na muna ako makakapasok.”

“Hanggang kelan?”

“Hindi ko pa alam,” aniya. “Ikaw na muna ang tumapos sa nasimulan kong palitada sa

ikalawang palapag.”

“Bakit?”

“Medyo nanghihina kasi ako. Para kasing lumalala itong ubo ko.”

“Nasubukan mo na ba ang mapaghimalang lumitaw na imahe sa kapilya?”

Umiling siya.

“Bakit?”

“Paano naman ako maniniwala, e, hindi ba ako ang nagpalitada sa pader na ‘yon?”

“Alam mo sa una, hindi rin ako naniniwala dahil alam ko bilang mason, marami nang kasong gano’n, me lumalabas na kung ano-anong imahe sa palitada kapag natuyo.”

“Ayon na nga,” susog niya.

“Pero sa pangungumbinse ng aking asawa, nanalig akong pagagalingin ako ng imaheng ‘yon. Ayon, gumaling nga ako.”

Hindi siya kumibo.

“Hirap ding kumbinsehin ako ng aking asawa dahil hindi nga ako naniniwala,” patuloy nito. “Pero naisip ko, walang mangyayari sa akin kung makikipagmatigasan ako.”

Nanatili siyang walang kibo.

“Kaya kung ako sa ‘yo, isuko mo sa imahe ang sakit mo, gagaling ka.”

Tumango-tango lang siya bago nagpaalam. At habang naglalakad, tila bumubuntot pa sa kanyang pandinig ang pahabol ni Ramon na subukin niyang manalig. At sigurado, hindi siya bibiguin ng imahe.

Sa kanyang pag-uwi, nabanggit niya sa asawa ang patotoo nina Gido at Ramon na gumaling ito.

“E, kasi nga nananalig sila,” mariing sabi pa ng kanyang asawa. “Kung nananalig ka rin sana, e, di magaling ka na ngayon. E, di sana nakakapagtrabaho ka nang maayos. Tulad n’yan, hanggang kelan ka hindi makakapagtrabaho? Paano ang mga gastusin natin, ang mga bata?”

Paano nga manalig? ang laging dumiriin sa kanyang isip.

“Manalig ka na kasi,” himig-pakiusap ng kanyang asawa, matiim ang tingin sa kanya. “Ayan, o, ang sama-sama na ng ubo mo. Tapos, namamayat ka na,” puno ng pag-aalalang patuloy ng asawa. “Baka kung ano na ‘yan. Pero kung ano man ‘yan, manalig ka lang, paghihimalaan ka.”

Hindi siya umimik. Naisip niya ang kanyang mga anak.

Kung gaano na karami ang nagpapatotoong napagaling dahil sa lumitaw na imahe ni Kristo sa pader na iyon, kabaliktaran naman sa kanyang sarili. Tila humihina na siya. Gusto na rin niyang magpatingin sa ibang doktor, kahit sa pribadong ospital, ngunit kaagad niyang naisip ang bayarin. Lalo pa’t tumigil na muna sa pagtatrabaho. Hindi na rin gumiginhawa ang kanyang pakiramdam sa mga iniinom niyang nilagang mga dahon-dahon. Dagdag pang pinangibabawan na rin siya ng takot kaya ayaw niyang magpatsek-ap uli. Ayaw niyang malaman ang dahilan ng hindi gumagaling-galing niyang ubo. Napansin din niya ang pagkahulog pang lalo ng kanyang katawan. Mga gabing hirap siyang makatulog dahil sa maya’t mayang pagdalahit ng ubo. Ng hirap niya sa paghinga.

“Bakit ka ba nakikipagmatigasan sa imahe,” ang kanyang asawa. “Manalig ka sa himalang dala ng imaheng ‘yon, Badong. Bingi ka ba, ayun, ‘andami nang nagpapatotoong gumaling, hindi ka pa rin naniniwala? Gano’n ka na ba katigas? Kahit pinahihirapan ka na ng sakit, ayaw mo pa ring manalig dahil lang sa pilosopo mong paniniwala.”

Ang totoo’y hindi mapanatag ang isip ni Badong. Mga gabing nililigalig siya sa kanyang pagtulog. Alam niyang bilang mason, karaniwan nang nangyayari iyon. Ngunit ang ipinagtataka at hindi niya maipaliwanag, ano’t nakapagpapagaling ng karamdaman iyon? Sadyang hinipo nga ba iyon ng Diyos? Hiningahan ba ng kapangyarihan ng Diyos ang imaheng iyon upang makapaghimala sa mga tao? Ginawa bang instrumento iyon ng Diyos upang sukatin at subukin ang pananalig at pananampalataya ng mga tao?

Hanggang isang takipsilim, natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na kasama ng kanyang asawa na nagnonobena sa kapilya. Nakaluhod sila sa harap ng may sinding mga kandila na kanilang itinirik sa may ibaba ng lumitaw na imahe ni Kristo. Ramdam pa niya ang maligasgas na bumabaon sa balat

flooring, sa kanyang tuhod. Tila sumusugat. Ngunit tiniis niya. Naalala niya ang bilin ng kanyang asawa, kailangang magsakripisyo. At habang nililigis ng kanyang asawa ang mga butil ng rosaryo kasabay ng matagimtim na pag-usal nito ng nobena, napapikit siya, mariin.

Pagdilat niya pagkaraan ng ilang sandali, napapitlag pa siya, nang malingunan si Uroy sa kanyang tabi, nakaluhod din, at nakangising nakatingin sa kanya.

MGA NILALAMAN

tl-ph

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

2023-09-01T07:00:00.0000000Z

https://manilabulletin.pressreader.com/article/281943137464121

Manila Bulletin Publishing Corp